Iba’t-ibang usapin tungkol sa HIV, tinalakay sa MIMAROPA HIV Summit

Makikita sa larawan lang ilang matataas na opisyales mula sa Department of Health (DOH) MIMAROPA na nanguna sa ginanap na 2018 MIMAROPA HIV Summit noong ika- 16 hanggang ika-18 ng Oktubre taong kasalukuyan (PIO Palawan).

Naging mainit ang talakayan sa pagitan ng mga dumalong partisipante sa ginanap na 2018 Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan – (MIMAROPA) Human Immunodeficiency Virus (HIV) Summit . Ang naturang aktibidad ay idinaos noong ika-15 hanggang ika-18 ng Oktubre taong kasalukuyan sa Legend Hotel, Lungsod ng Puerto Princesa.

Sa temang “Leaving no one behind: Towards a holistic approach in achieving the 90-90-90 targets to end the AIDS epidemic” ay mainit na pinag usapan ang mga paksa patungkol sa kasalukuyang lagay ng mga programang pangkalusugan sa ilalim ng HIV at AIDS sa bansa sa pangunguna ng Department of Health (DOH).

“This is the very first time that we are going to have MIMAROPA HIV Summit here in Puerto Princesa, Palawan kasi sa buong MIMAROPA Region ang pinakamataas na tala na HIV cases ay matatagpuan dito sa Puerto Princesa, mayroong 46% of the total HIV cases since 1984 is coming from Palawan, pahayag ni Dr. Emerose F. Moreno, Medical Specialist III, DOH MIMAROPA.

Aniya, isa sa mga dahilan kung kaya’t dito idinaos sa lungsod ng Puerto Princesa ang naturang aktibidad ay dahil umano sa paniniwalang ang HIV ay maituturing na pangunahing banta sa kalusugan ng mamamayan (public health threat) sa bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso nito.“Ginawa namin dito kasi naniniwala kami na ang HIV ay number one public health threat in the country”ani Dr. Moreno.

Samantala, isa sa mga paksang tinalakay sa naturang aktibidad ay ang “The 90-90-90 Targets & HIV Care Cascade” kung saan naatasang tagapagsalita sa paksang ito si Dr. Louie Ocampo, ang kasalukuyang Country Director ng Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) sa Pilipinas. Ayon pa dito, ang pagkamit ng tatlong 90% target ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga taong nagtataglay ng sakit na HIV. Paliwanag nito na dapat umanong malaman ng mga taong mayroong HIV ang kanilang estado, bukod pa rito, dapat rin na mabigyan ang mga ito ng agarang gamot o ang tinatawag na anti-retroviral therapy (ART) sakaling tamaan ng naturang virus gayudin ang pangangalaga at pag-aaruga sa mga ito lalo’t higit ang kanilang pagkakakilanlan at higit sa lahat ay maibaba ang diskriminasyon o hindi magandang pagtingin ng lipunan sa mga taong nagkakaroon ng sakit na HIV.

Dagdag pa rito, nagkaroon rin ng malayang talakayan ang mga partisipante at mga tagapagsalita patungkol sa mga programa ng HIV sa kanilang mga lugar. Bahagi rin ng aktibidad ang pagbabahagi ng mga best practices kaugnay sa magandang implementasyon ng programa.Bukod pa rito ay bumisita rin ang mga partisipante sa ilang community center sa lungsod upang maipakita ang magandang pasilidad na kumakanlong sa mga taong nagtataglay ng sakit na HIV.

Samantala, sa pagtatapos ng naturang pagtitipon ay sama-samang lumagda ang mga partisipante at lokal na opisyales na bawat lalawigan sa MIMAROPA gayundin ang mga panauhin at kawani ng DOH sa pamamagitan ng isang Pledge of Commitment, kung saan nangakong palalakasin at pagtutuunan ng pansin ang mga programa at proyekto ng HIV sa buong rehiyong ng MIMAROPA at sa bansa Pilipinas.

Sa temang “Leaving no one behind: Towards a holistic approach in achieving the 90-90-90 targets to end the AIDS epidemic” matagumpay na naisakatuparan ang 2018 Mindoro, Marinduque, Romblon, Palawan – (MIMAROPA) Human Immunodeficiency Virus (HIV) Summit. (PIO Palawan)
Exit mobile version