Hindi man sila makatapak sa lupa ng China, tinitingala naman sila bilang mga bayani sa sariling bayan. Ito ang naging mensahe matapos gawaran ng “West Philippine Sea Heroes Award” ang labing-anim (16) na opisyal ng munisipyo ng Kalayaan, Palawan nitong Martes.
Ang parangal ay iginawad ng koalisyon ng Akbayan Party-list at Atin Ito bilang tugon sa ginawang pag-blacklist ng Beijing sa mga nasabing lingkod-bayan.
Naging mainit ang mata ng China sa lokal na pamahalaan ng Kalayaan matapos magpasa ang Sangguniang Bayan ng resolusyong nagdedeklara kina Chinese Ambassador Huang Xilian at Ambassador Jing Quan bilang mga persona non grata.
Bilang ganti, naglabas ng travel ban ang China laban kina Vice Mayor Maurice Philip Alexis Albayda, Councilor Francis Polizon, at 14 na iba pang opisyal.
Sa ginanap na press conference, buong pagmamalaking tinanggap nina Albayda at Polizon ang pagkilala. Sa halip na matakot sa limitasyong ibinigay ng China, sinabi ng mga opisyal na mas lalo lamang nitong pinagtibay ang kanilang tungkulin sa mga residente ng Pag-asa Island.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David, ang hakbang ng China ay nag-backfire dahil lalo nitong pinag-isa ang mga Pilipino.
“They prove that there are no ‘casual commentators’ when it comes to our sovereignty. Ordinary Filipinos are at the frontlines of our defense of the West Philippine Sea,” aniya.
Kasabay ng pagtitipon, isinulong din ni Akbayan Rep. Chel Diokno ang pagpasa ng WPS Education Bill. Layunin ng panukalang ito na isama sa kurikulum ng mga paaralan ang wastong kaalaman tungkol sa karapatan ng Pilipinas sa naturang karagatan upang malabanan ang mga maling impormasyon o “fake news” na kumakalat.