LUNGSOD QUEZON– Muling hinimok ni DOST Undersecretary for Disaster Risk Reduction and Climate Change Renato Solidum ang mga taga-Mimaropa na lumahok gaganaping First Quarter Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) mamayang hapon.
“Upang ang ating kahandaan sa earthquake at tsunami ay makita kung sapat o kailangan pang may pagbabago, sabi ni Usec. Solidum sa panayam ng PIA-Mimaropa.
“Pero ang higit sa lahat, ang nagsasanay (nagsasagawa ng drill) ay magiging handa kung may tutuo nang mangyayari paglindol o tsunaming darating,” sabi ni Usec. Solidum, “iba na ang handa at iba na ang naghahanda.”
Nilalayon ng NSED na masubukan kung epektibo ang mga contingency plan ng mga lokal na disaster risk reduction and management council para sa bawat sakuna o panganib sa kanilang lugar.
Hangarin din ng NSED na sanayin ang mga kababayan lalo na yung mga estudyante sa mga paaralan kung paano ang dapat na pagkilos tulad ng pagsasagawa ng duck-coverand hold exercises at ang kalmadong paglikas.
Bawat lokal na pamahalaan o probinsya ay namimili ng lugar na pagdarausan ng Earthquake Drill gaya sa Bongabong, Oriental Mindoro kung saan ang Masaguisi National High School ang napiling venue ng pagsasanay.
Sa araw na ito, idaraos ang lead kick off ceremony ng NSED sa Iloilo City bilang pag-alala sa Magnitude 8.2 na lindol noong 1948.
Sinasabing ito ang pangalawang pinakamalakas na lindol na naitala sa Pilipinas kung saan 55 simbahan ang nasira, nagkabitak-bitak na lupa sa Panay at ang nangyaring tsunami na kumitil ng dalawang buhay. (LP/PIA Mimaropa)