Usap-usapan na ngayon sa bayan ng Narra ang isang viral post ng isang anti-coal advocate at kilalang negosyante na si Siarifa Lim Gulane matapos nitong mahagip ang atensiyon ni Palawan Governor Jose Chavez Alvarez.
Sa post ni Gulane kahapon, Oktobre 6 inilahad niya na sila ay kasalukuyang nagsasagawa ng signature campaign sa lokal na parokya ng Narra kung saan nagkomento naman ang gobernador ng Palawan ng katagang “Yes to Coal.”
Ang komentong ito mula kay Governor Alvarez ay nagmitsa ng iba’t-ibang opinyon sa pagitan ng mga anti at pro-coal advocates kung saan nagpalitan na ng kanya-kanyang kuro-kuro at saloobin ang mga netizens.
Sa thread ng naturang komento mula kay Gov. Alvarez, mababasang nagpalitan ng saloobin ang mga iba pang anti-coal advocates kagaya nina Joel Pelayo, kilalang leader ng No To Coal Movement, mga kasama nitong sina Ivy Ann Lim at isang pro-coal advocate na si Noli Acosta, kasalukuyang principal ng Narra National High School.
Sa gitna ng palitan ng mga opinyon ay makikitang inilahad din ni Alvarez ang kanyang paninindigan bilang isang pro-coal advocate at tahasan nitong sinabi na walang magiging masamang epekto ang pagpapatayo ng Coal-Fired Power Plant sa Narra.
Iginiit ng gobernador na kung walang mga naitayong Coal-Fired Power Plant sa iba’t-ibang lugar sa bansa ay hindi umano masusustentuhan ang tinatawag na “economic growth,” na siya namang hinahangad din niyang matupad sa lalawigan.
“Wala man sa lugar lahat argumento nitong mga watermelon activist, lahat sila refuse to see and hear that all over the country kung walang coal plants we cannot sustain economic progress,” anya ni Alvarez sa kanyang komento.
Kasabay nito, kanya ding pinaalam na wala namang naitalagang health issue sa probinsya ng Quezon, kung saan mayroon ding nakatayong Coal-Fired Power Plant.
“Puntahan mo nalang sila sa Quezon province, doon lalaki ng coal plants 450.500- 000MW eh wala naman health issues progresibo na so ang ayaw ng coal ay ayaw ng progress sino ayaw ng progress? Eh di mga watermelon NGOs diba,” dagdag niyang komento.
Binansagan ding “Watermelon Activist” ni Alvarez ang mga naturang aktibista. Dagdag niya, ang mga ito raw ay madaling naniniwala sa mga panlilinlang ng mga non-governmental organizations (NGOs).
“Okay lang majority rules tayo mas marami may gusto ng tama kuryente kasi kayo madali kayo maniwala sa mga panlilinlang ng mga ilang kampon ng kadiliman,” anya ni Alvrez sa isang komento.
Hinamon din ni Alvarez ang mga anti-coal advocates na todohan ang kanilang signature campaign sapagkat kanila umano itong dodoblehin.
“Sure ka na majority kayo? Iilan lang kayo ang ayaw eh iingay pa ninyo,” ani ni Alvarez.
“Sige nga papirma kayo kung ilan kayo pumirma doblehin namin,” dagdag nito.
Samantala, sa kabila ng mga inilahad na komento ni Alvarez, nanindigan naman si Pelayo na sila ay tahasan pa ring tututol at gagawa ng paraan para mahinto ang nalalapit na pagpapatayo nito sa kanilang munisipyo.
Itinanggi din ni Pelayo na sila ay nalinlang ng mga NGOs bagkus sila umano ay nabuo bilang mga pribadong indibidwal na kumakatawan sa iisang layunin na matutolan ang Coal-Fired Plant.
“Hindi kami nauto ng mga NGO kami ay nabuo mula sa mga individual na may isang paniniwala, ito ay alagaan ang kalikasan at kalusugan ng bawat isa,” anya ni Pelayo.
Sa kasalukuyan ay patuloy parin na naglalakap ng pirma mula sa mga residente ang mga anti-coal advocates.
Inaasahan din na lalabas ang mga anti at pro-coal advocates sa general public hearing na gaganapin sa bayan ng Narra ngayong Oktobre 12.