Dinagsa ng mga aplikante ng Kabarangay Educational Assistance Program o KEAP ni Congressman Kabarangay Gil P. Acosta ang pagtanggap sa magiging kauna-unahang KEAP Scholars sa Palawan State University San Rafael Campus.
Sa pangunguna ni Agnes Acosta-Magdaug at Anabel Lagrada nagtungo ang mga kawani ni Kabarangay Congressman Gil Acosta sa Barangay San Rafael upang magbukas at tumanggap ng mga mag-aaral na bibiyayaan ng scholarships sa tulong ng CHED sa ilalim ng TULONG DUNONG PROGRAM.
May inilaang 83 slots sa mga maswerteng matatanggap sa programa at tinitiyak na makatatanggap ng ayuda na makatutulong sa gastusin sa paaralan.
Ang nasabing paaralan ay biniyayaan din ng tatlong classrooms na maaari nang gamitin ngayong semestre. Inaantay na lamang ng pamunuan ng paaralan na ito’y mapasinayaan upang tuluyan na nila itong mapakinabangan.
Ikinatuwa naman ito ng mga mag aaral pati na ng pamahalaang lokal ng komunidad.
Ayon pa kay Arnold Marie Calbentos, Director ng PSU-San Rafael, “Nagpapasalamat ako sa tulong na ibinigay ni Congressman Kabarangay Gil P. Acosta sa mga mag-aaral ng PSU-San Rafael. Ang mga estudyante po natin ay mula sa mga mahihrap na pamilya ng Norte ng ating syudad. Ito po ay malaking tulong na maipagpatuloy nila ang kanilang pag aaral at nagpapasalamat din po ako pati sa national government for giving these children the opportunity to have free education.”
Ang naturang programa ay naglalayong magbigay ng ayuda sa mga kabataang nais mag-aral subalit walang sapat na kakayahan upang matustusan ang kanilang pangangailangan. Kung kaya’t upang makatulong sa panggastos sa uniporme, aklat at iba pang bayarin P6,000 ang ipinagkakaloob ng programa sa bawat estudyanteng naging benepisyaryo nito.