Pinabulaanan ng mga piling opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “Top Mayors Survey” na di umano’y binanggit ni Narra Mayor Gerandy Danao sa kanyang press conference kamakailan lamang.
Sa panayaman ng Palawan Daily kay Leny Escaro, Municipal Officer ng DILG sa Narra, sinabi nito na wala umanong alam ang kanilang opisina na mayroong ginawang survey ang kanilang ahensiya tungkol sa mga top performing mayors ng Palawan.
“As per my knowledge, wala akong alam na nag-conduct ng survey ang DILG regarding that,” ani ni Escaro.
Ito rin ang naging pahayag ni Provincial DILG Director Virgilio Tagle sa panayam ng Palawan Daily sakanya ngayong araw, June 3.
“Wala. Wala kaming kina-conduct na ganyang survey dito sa province. Wala kaming ganyang ginawa. Hindi ko alam kung ano ang naging basis niya,” ani ni Tagle.
“So far kung mayroong na-conduct ang DILG na ganyan, dapat alam namin dito sa province,” dagdag ni Tagle.
Pinabulaanan din ito ni Rey Maranan, Assistant Regional Director ng DILG MIMAROPA at sinabi nito sa panayam ng Palawan Daily ngayong araw na wala rin siyang alam sa binabanggit na survey ng nasabing alkalde.
Sinabi rin ni Maranan na ito ay kanila nang naiparating sa DILG National Office upang mabigyan ng kalinawan.
“Wala po akong alam na survey na na-conduct ng central office ng DILG. Pinapatanong namin sa central office. Kasi kung buong Pilipinas ‘yan ay central office namin ang magka-conduct,” ani ni Maranan.
“Kasi ang sabi top 1 at top 3 mayors ng MIMAROPA edi sana alam natin dito’ yan. Wala sa ledger ng regional office ‘yan,” dagdag ni Maranan.
Giniit din ni Maranan na kung ito ay hindi dumaan sa provincial at municipal office ng kanilang ahensiya ay hindi rin ito dumaan sa kanilang opisina.
“Kung sila ay nagsasabi ng wala meaning walang order ito from the regional office. Just the same, kung ano ang sinabi ng provincial at municipal DILG edi wala kaming directive for any survey sa aming ledger dito,” ani ni Maranan.
Ayon din kay Maranan, sa kanyang pagkakaalam, ang DILG ay nagsasagawa ng assessment hindi para sa isang specific na indibidwal lamang kundi para sa buong lokal na pamahalaan.
“Ang aming assessment ay SGLG, yung mga ganoong bagay at hindi pang personal. Hindi naman natin inaawardan si governor, si city mayor o si mayor. Ang inaawardan po natin ay ‘yung LGU mismo. As to the specific individual or official natin, baka mga pribadong ahensiya ang nag-conduct ng survey, ” ani ni Maranan.
Ayon din kay Maranan, maaring maglabas din ng official statement ang central office kaugnay sa nasabing survey ni Danao.
Pinaalala din nito na dapat ay maging mapanuri ang publiko sa mga bagay na nababasa sa social media.
“Madali namang gumawa niyan sa social media. Kahit sino ay puwedeng magsabi na siya ay cum laude o first honor sa social media as if totoo, anybody can claim. Kaya sana be discerning ang mga tao,” ani ni Maranan.
Samantala, hiningan naman ng Palawan Daily ng pahayag ang kampo ni Danao sa pamamagitan ng bagong appointed Municipal Administrator ng alkalde na si Jojo Gastanes at sinabi nito sa phone interview ngayong araw na taliwas sa nabanggit ng alkalde na ang DILG ang siyang nag-conduct sa survey, maaring isa itong private entity sa Maynila ang nag-conduct umano nito at hindi ang ahensiya ng DILG.
Hindi rin pinangalanan ni Gastanes ang nasabing private entity.
“Not necessarily at categorically na gumawa ang DILG kundi taong-bayan,” ani ni Gastanes.
“Meron kasi sa report ng DILG na one of the top best mayors in the Philippines, kasama talaga si Danao pero not necessarily DILG so merong mga private ano ‘yun sa Maynila ang naglabas. So based on that ang top 1 or kung ano. Kumbaga lumalabas nalang sa opinyon ng social media’ yun,” dagdag ni Gastanes.
Matatandaang sinabi ni Danao sa kanyang press conference na ang ahensiya ng DILG ang nag-conduct nang nasabing “Top Mayors Survey” sa Palawan at buong bansa kung saan siya ay di-umano’y itinanghal na Top 1 Mayor sa buong Palawan at Top 3 naman sa buong bansa.
Sa nasabing survey na kumakalat ngayon sa social media, kahanay ni Danao ang mga patok at kilalang alkalde ngayon na sina Mayor Isko Moreno Domagoso ng Maynila at Mayor Vico Sotto ng Pasig City.