SPECIAL REPORT: Mayor Danao vs. Citinickel Mines – Ang Pinagmulan

Nanganganib na naman muling masuspende sa pagka-alkalde ng Bayan ng Narra ang magdadalawang buwan pa lamang nakabalik sa panunungkulan na si Mayor Gerandy Danao matapos kasuhan ito kamakailan ng Citinickel Development and Mines Corporation (CDMC) dahil sa hindi umano nito pagbigay ng permit sa nasabing kumpanya noong 2019.

Ngunit giit ng kampo ng alkalde, marapat na magbayad muna ng P94 million na tax ang minahan dahil hindi umano ito nakapagbayad sa lokal na pamahalaan para sa mga taong 2012-2015.

Ang balitang ito ay tinutukan mula umpisa ng Palawan Daily mula noon pa man at narito ang mga nagdaang balita na aming nai-publish mula nang pumutok ang isyu sa kontrobersiyal na P94 million tax na iginigiit ng lokal na pamahalaan:

Mayo 2, 2020 – Nagpatawag ng isang press conference si Mayor Danao kung saan inilahad nito sa media ang kontrobersiyal na P94M buwis na sinisingil ng naunang administrasyon na hindi pa rin umano naitu-turn over ng dating administrasyon mula pa noong 2015.

Hunyo 3, 2020 – Bilang tugon, nagbigay ng pahayag ang dating alkalde ng bayan ng Narra na si Lucena Demaala kung saan sinagot niya ang mga alegasyong inilabas ni Danao sa naturang press conference.

Mariin na pinabulaanan ni Demaala at sinabing wala siyang natanggap na pera o bayad sa buwis mula sa CDMC dahil sa nakakuha umano ng Certificate of Registration ang nasabing minahan mula sa Board of Investments (BOI). Ibig anyang sabihin, hindi na ito kailangan pang singilin o magbayad ng 2% local tax mula sa gross sales nito.

“Wala akong itu-turn over na P94M dahil hindi subject sa local tax ang 2% sa annual gross sales ng Citinickel dahil sa tax incentives at tax holiday na galing sa BOI from National Government being a registered company. Ito ay ibinibigay ng BOI sa mga kumpanya gaya ng Citinickel to generate employment at investment sa mga local communities,” ani Demaala.

“May record, tama. Siningil ko sila noong 2015. I sent a letter at sumagot ang Citinickel na wala silang utang sa munisipyo dahil sila ay listed under BOI at ng DTI. After that, hindi ko na pinursue ‘yun dahil nakita ko naman, nabasa ko naman at ako mismo bilang mayor, kapag nakita ko na BOI, Mayor’s permit lang pero ang 2% hindi ko na masingil ‘yan,” dagdag niya.

Sa inisyal na report na inilabas ng Palawan Daily, nakakuha ng aktuwal na kopya ng mga dokumento.  Oktubre 14, 2015 nang magpadala ng sulat ang Office of the Municipal Treasurer ng Narra sa Citinickel at halos mag-iisang buwan ay sumagot naman ang CMDC kung saan nakasaad na ang kanilang kumpanya ay kabilang sa listahan ng BOI-registered companies sa bansa. Ibig sabihin, mayroon itong tax holiday at pinunto na ang kanilang kumpanya pa ang dapat makakuha ng refund mula sa lokal na pamahalaan ng Narra. Matapos nito,  hindi na singil pa ng dating administrastyon ang CMDC para sa lokal na buwis nito.

Hunyo 7, 2020 – Bilang sagot, ay naglabas ng pahayag ang pamunuan ng CMDC sa  Palawan Daily at nanindigan rin na wala silang dapat bayaran na buwis sa lokal na pamahalaan ng Narra partikular na ang P94 million na patuloy na sinisingil ng kampo ni Mayor Danao. Sa unang pahayag mula sa inilabas naming report, iginiit ni Pamela Miguel, ang Administrative Manager at tumatayong tagapagsalita ng CMDC na wala silang dapat bayaran dahil kagaya ng sinasabi ni Demaala, ang kanilang kumpanya ay kabilang sa listahan ng mga BOI registered companies. Ibig anyang sabihin, ang kanilang kumpanya ay exempted sa local taxes na isa sa mga pribilehiyong ibinibigay ng nasyunal na pamahalaan sa malalaking investors sa bansa.

“Wala po kaming ibinayad na P94 million na kanila pong sinisingil, panahon pa ni Mayor Demaala. At ngayon din po, panahon ni Mayor Danao, sinisingil pa rin po nila ‘yang P94 million na ‘yan simula pa noong September 2019 ay pinu-pursue na po ‘yan  ni Mayor Danao sa aming management ng Citinickel,” ani Miguel.

“At kung ano man po ‘yung stand namin mula noong 2015 hanggang ngayon, ‘yun pa din po. Ngayon, dahil po ang Citinickel ay isang BOI registered na kumpanya o enterprise, kami po ay exempted sa local taxation na ‘iyun,” dagdag niya.

Dito ay kinumpirma rin ni Miguel na may kamag-anak si dating Narra Mayor Lucena Demaala na nagkaroon ng transaksyon sa kanilang kumpanya particular na sa trucking business. Ngunit, ayon kay Miguel ay dumaan naman umano ito sa proseso at legal ang kanilang transaksyon dahil bukas naman umano ito sa lahat.

“Sa hype ng operations namin hindi kayang i-cater ng local truckers, open business to everyone. Fair and just po. Kung nagkataon na mayroon silang kamag-anak dito, pinagtrabahuan po ‘yun. Honest po ‘yun at lehitimong transaksyon po ‘yun. Kung sasabihin po na pinapaboran namin si mayora, o kung kami ay pinapaboran niya, highly regulated po ang mining industry,” ayon kay Miguel.

September 24, 2020 – Ibinaba ng Sangguniang Panlalawigan ang hatol na guilty sa noo’y suspendidong si Danao ukol sa mga kasong isinampa sa kanya ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan (SB) ng Narra.

Nobyembre 24, 2021 – Nakabalik muli sa pagka-alkalde ng bayan ng Narra si Mayor Danao.

Disyembre 16, 2021 – Nagbaba sa Sangguniang Panlalawigan ng isang rekomendasyon ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) para patawan ng preventive suspension ang alkalde matapos itong kasuhan ni Ferdinand Pallera ng CMDC dahil sa hindi umano pag-isyu ng business permit ng nasabing alkalde sa CMDC para sa taong 2021.

Samantala, nakasaad naman sa Section 133 ng Local Government Code of 1991 na ang anomang klaseng kumpanya o business enterprise na rehistrado sa Board of Investments ay exempted sa pagbayad ng lokal na buwis apat o hanggang anim na taon mula sa petsa ng kanilang pagkakarehistro.

“Taxes on business enterprises certified by the Board of Investments as pioneer o non-pioneer for a period of six and four years, respectively, upon the date of registration,”

Magpahanggang sa oras na ito ay hindi pa rin nagbibigay ng pahayag sa Palawan Daily ang nasabing alkalde maging ang tagapagsalita nitong si Jojo Gastanes matapos silang kontakin noon pang mga nakaraang araw.

Exit mobile version