ODIONGAN, ROMBLON — Nilinaw ni Governor Eduardo C. Firmalo ang ilang isyu at reklamo laban sa pamunuan ng Romblon Provincial Hospital (RPH) sa Odiongan na lumabas sa social media nitong mga nakaraang araw.
Sa panayam ng lokal na mamamahayag kay Firmalo, sinabi nito na noong 2010 nang maupo siya bilang gobernador ay iisa lang ang building ng RPH at nasa 20 pasyente lang kada araw ang kayang tanggapin.
Ngayon aniya ay may tatlong bagong gusali ang RPH at kaya nang tumanggap ng 2,000-3,000 na pasyente kada buwan.
Aniya, mayroong 38-40 na doktor ang ospital kung kaya’t nagagawa ng gamutin ang mga pasyente kumpara noong wala pa siya sa posisyon ay kinakailangan pang dalhin sa Maynila ang pasyente para doon magpagamot.
Tiniyak din nito na walang consultant sa RPH na tumatanggap ng buong sahod kahit hindi pumapasok dahil ang mga consultant ay mga espesyalista na tumatanggap lang ng allowance mula sa pamahalaang panlalawigan ng P15,000-P25,000 kada buwan.
“Allowance lang yan pero ina-allow natin sila mag-opera pero minimum lang dapat ang singil,” pahayag ni Firmalo.
Pagdating naman aniya sa mga inirireklamo na maruming CR (comfort rooms) o pampublikong banyo, sinabi ng gobernador na pinipilit ng mga taga-RPH na linisin ang mga CR ngunit may ilang pasyente na sa sahig lang umiihi o di kaya ay sa bowl nagtatapon ng mga basura.
“Ang mga CR, mga bago yan, ang problema sobrang dami ng pasyente. Ang problema pa ay yung paglagay ng mga kalat katulad ng mga napkin sa bowl kaya nagbabara ang mga CR natin,” dagdag pa ng Gobernador.
Humingi naman ng paumanhin ang punong lalawigan sa ilang problema ng RPH ngunit sinabi nito na sana maintidihan ng mga pasyente ang kalagayan ng ospital kasi parami ng parami ang mga pasyente kahit pa malaki na ang pinagbago ng mga pasilidad at kagamitan dito.
Sa kasalukuyan aniya ay mayroon nang ultrasound, CT Scan at iba pang medical equipment sa ospital na nakakatulong sa mga pasyenteng Romblomanon.
“Lagi ko sinasabi sa mga empleyado ng Romblon Provincial Hospital na ang boss natin ay ang mga tao, kaya dapat maganda ang pakikitungo natin sa lahat,” ayon pa sa Gobernador.
Nanawagan din ito sa mga may reklamo sa serbisyo ng naturang ospital na lumapit sa Chief of Hospital ng Romblon Provincial Hospital o di kaya’y dumulog sa kanyang opisina sa Odiongan para mabigyan ng aksiyon ang anumang sumbong. (PJF/DMM/PIA-MIMAROPA/Romblon)