Calauit Safari Park isinasailalim sa rehabilitasyon, operasyon patuloy

Ilan lamang ang Zebra sa mga hayop mula sa Africa na makikita sa Calauit Safari Park, sa Busuanga, Palawan. (Larawan mula sa PIO)

Sa kabila ng pagsasailalim sa rehalibitasyon ng mga pasilidad sa loob ng Calauit Safari Park ay patuloy ang operasyon nito at pagtanggap ng mga turistang bumibisita dito.

Ito ang inihayag kamakailan ni Dr. Myrna O. Lacanilao, hepe ng Provincial Economic Enterprise Development Office na namamahala sa naturang parke.

Ayon sa pahayag ni Dr. Lacanilao, hindi isasara ang buong parke dahil napakalaki nito at tanging ang kabilang bahagi lamang nito kung saan matatagpuan ang mga gusaling isinasailalim sa pag-aayos ang apektado.

Ilan sa mga gusaling isinasaayos ay ang information building at administration building ng Calauit Safari Park. Plano ring maglagay ng karagdagang palikuran para sa mga turista, bahay para sa mga giraffe at zebra at bubong para naman sa ospital ng mga hayop. Ang pagsasa-ayos ay pinondohan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ng halagang P6.2 milyon.

(Larawan ni Leila B. Dagot, PIA-Palawan)

Dagdag pa ni Dr. Lacanilao, dahil sa kakulangan ng pondo para sa pagmamantine ng parke ang isang dahilan kung bakit tinaasan ang binabayarang entrance free para sa mga dumarayong turista dito.

Ipinatutupad na ani Dr. Lacanilao ang inaprubahang ordinansa na nagtataas ng entrance fee sa Calauit sa halagang P300 mula sa dating P200 bawat bisita noon pang Enero 7.

Sa mga nakalipas na taon, nasa P400,000 lamang ang pondo ng nasabing parke kada taon at kulang na kulang ito para sa pagkain, gamot at iba pang pangailangan ng parke dahil doon na lahat kinukuha sa nasabing pondo kung kaya’t sa pagtataas ng ‘entrance fee’ ay malaki umano ang maitutulong nito para sa pagmamanitini ng parke, pahayag pa ni Dr. Lacanilao.

Makikita sa Calauit Safari Parke ang nasa 93 exotic animals kinabibilangan ng 21 giraffe, 27 zebra, 24 eland at 21 waterbucks. Mayroon ding calamian deers, mouse deers, mga ibon at iba pang uri ng mga hayop na matatagpuan sa Palawan.

Plano rin ng pamunuan ng parke na magdagdag ng iba pang hayop sa lugar tulad ng kabayo.

Ang Calauit Safari Park ay may lawak na 3,700 ektarya at matatagpuan sa islang munisipyo ng Busuanga. Binuksan ito noong Agosto 31,1976 sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1578 sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)

Exit mobile version