Hindi ka pa ba nakararating ng Sabang area, lalong-lalo na sa Underground River? Kung gayon, samantalahin na ang good news ng PPUR Management!
Malugod na ipinababatid ni Park Superintendent Beth Maclang ng Puerto Princesa Subterranean River National Park (PPSRNP) o mas kilala bilang Puerto Princesa Underground River (PPUR) na kasabay ng muling pagbubukas ng turismo sa lungsod ay ang pag-resume din ng operasyon ng Underground River. Matatandaang nauna na rin itong inanunsiyo ni Mayor Lucilo Bayron sa nagdaang pulong-balitaan noong nakaraang buwan.
“Good news! PPUR tour will resume starting on Dec. 8, 2020 for local residents only, for [as low as] P100 for entrance fee for adult and P50 for local minor!” ang ibinahaging impormasyon ni Maclang sa pamamagitan ng text message.
Aniya, maaaring mag-book sa PPUR Management Office na matatagpuan sa Mendoza Park Building o maaari ring mag-text sa cellphone number 09055025200. Pupwede rin aniyang sa pamamagitan ng mga accredited local travel agencies sa siyudad.
At, maliban pa rito, mayroon ding iba pang Community-based Sustainable Tourism (CBST) o mga destinasyon ang mag-o-offer ng “big discounts” gaya ng:
1.) Hundred caves—na mula P450, sa ngayon ay P250 kada tao na lamang
2.) Mangrove paddle—P200 na ngayon mula sa dating P350
3.) Sabang falls-—P75 na lamang na dati ay P150 kada tao
4.) Sabang zipline—P250 na lamang mula sa dating P550
Kaya’t ano pa’ng hinihintay n’yo!? Arat na Puerto Princesans, “Tara! Sabang Na!”