Kaugnay ng pagdaraos ng National Environmental Awareness Month ngayong Nobyembre, pinangasiwaan ng Pilipinas Shell Foundation Incorporated (PSFI) kaanib ang DENR – City Environment and Natural Resources Office (CENRO), Puerto Princesa ang Environmental Awareness Campaign sa Palawan State University Gymnasium, nitong nagdaang Linggo, ika-10 ng Nobyembre, taong kasalukuyan.
Binigyang diin sa nasabing kampanya ang kahalagahan ng pagiging maalam ng bawat mamamayan ukol sa usaping pang-kalikasan at nagmungkahi ng ilan sa mga mainam at posibleng paaran upang ito ay pangalagaan.
Kalapit nito, iminumungkahi ni Ms. Vivian Obligar-Soriano ng City Environment and Natural Resources Office – Puerto Princesa, ang pagsuporta at pagsabuhay ng “single use plastic ban” na makapag-gagawad ng malaking ambag sa kalikasan lalo na sa adbokasiyang mapanatiling masagana ang wildlife sanctuary.
“Ang main goal niya (Environmental Awareness Campaign) syempre is para makapagbigay ng information para sa proteksyon and conservation ng ating environment, pero this time ang focus nito ay more on sa banning ng single-use plastic and then yung mga Marine debris na kung saan nag cause sa plastic pollution and then effects ng mga plastic na yan sa ating wildlife – specifically sa ating marine wildlife,” pag bigay diin ni Soriano.
Kaugnay nito, tinalakay din ni Mr. Edilberto Magpayo, PSFI Project Officer, ang 9 Ecological Principles na nagbubuod sa mga reglamento at pang-kalikasang panuntunan tungo sa preserbasyon ng ganda at kapasidad ng likas na yaman at mga nilalang sa mundo.
Ayon naman kay Prof. Vincent Esguerra, Palawan State University National Service Training Program (PSU- NSTP) Director, ang nasabing kampanya ay mahusay na paaran at mabilis na sistema upang gawing maalam ang mamamayan lalo na ang mga kabataan hingil sa mga isyung pangkalikasan.
“Ito (Environmental Awareness Campaign) ay malaganap at napakabilis na sistema para maibahagi natin yung edukasyon pang kalikasan sa mga estudyante. And meron tayong sinasabing acronym na ‘PAL’ – Plan, Act, and Leave. Nauna na yung planning since part ng organization, so ito na yung Act, nagkaroon tayo ng Environmental awareness campaign. Ang kailangan nalang nating gawin ay yung role na ng mga kabataan na maibahagi ito o isabuhay nang ayon sa nararapat na maging response natin sa environment para proteksyonan ito at pakinabangan pa ng susunod na henerasyon,” saad ni Esguerra.
Mga estudyanteng kasapi ng National Service Training Program o NSTP ng unibersidad ang dumalo at nakibahagi sa nasabing kampanya. (By Cecile Gallardo)