Tinawag ng pansin ng Chairman ng Committee on Health ng siyudad ang pamunuan ng mga airline company sa umano’y di pagsunod ng ilan sa napagkasunduang iskedyul ng flights ng mga nagbabalik na mga taga-lungsod ngayong panahon ng National Public Health Emergency.
Ayon sa Konsehal, napupuno na ang mga pasilidad na binabayaran ng Pamahalaang Panlungsod at sagad na rin ang pondo ng siyudad at ngayon nga ay may dagdag na namang apat na Locally Stranded Individual (LSI) na positibo sa COVID-19. Kaya pakiusap nila sa mga bisita na kung taga-Palawan lamang ang nasa schedule ay sila lang ang isakay habang kung para sa lungsod ay tagarito lamang din ang pauuwiin.
Paglilinaw niya, hindi pinagbabawalang umuwi ang mga LSI. Ang gusto lamang umano ng local IATF ay hindi biglaan ang dating mga umuuwing tagarito upang maihanda ang mga pasilidad at hindi rin pahirap sa mga health worker na aniya’y “bugbog” na sa kasalukuyan.
Susog naman ni Vice Mayor Maria Nancy Socrates, ang nangyayari umano sa ngayon ay araw-araw na ang dating ng mga LSI at wala ng pahinga ang mga health workers.
Sa naunang napag-usapan, 120 katao lamang ang maximum na dami ng tao na ia-accomodate sa Puerto Princesa sa kada byahe na ang schedule ay kada Lunes, Martes at Miyerkoles habang ang ibang araw ay para na sa mga taga-munisipyo sa Lalawigan ng Palawan.
Ani Ventura, kaya inimbitahan ng Konseho ang mga kompanya dahil nais nilang maliwanagan kung bakit hindi iyon natutupad ng ilan. Inungkat din niyang may mga nakita pa silang larawan at video na di nasusunod ang protocol.
Nakikiusap sila sa mga pamunuan ng nasabing kompanya dahil ayaw din umano nilang magaya sa ibang lugar sa Pilipinas na pinapabalik ang eroplano sa pinanggalingan dahil sa mga di nasunod na panuntunan.
“Kung kaya ng ibang lugar ‘yan, kaya din naming gawin ‘yan,” banta pa ni Ventura.
Partikular na tinukoy ng Konseho na di sumunod noong makaraang linggo ay ang pamunuan ng Cebu Pacific. Ngunit paliwanag ng kinatawan ng kompanya na si Michelle Bio, nagkaroon lamang di pagkakaunawaan.
Nilinaw ni Bio na sa 170 sakay ng kanilang eroplano noong nakaraang linggo ay 80 katao lamang ang mga taga-lungsod habang ang natira ay mula na sa Palawan.
Base umano sa kanyang pagkaunawa, pwede naman nilang isabay ang ibang taga-lalawigan sa kanilang Monday flights basta’t makipag-ugnayan lang sa Provincial Government upang masundo nila ang kabilang mga nasasakupan na nagawa rin naman. Natanong na rin umano ito ng commander ng Incidence Management Team (ITM) na si Assistant City Health Officer Dean Palanca sa kanila at kanila na ring naipaliwanag.
Paliwanag pa niya, noong nakaraang Huwebes na orihinal na schedule para sa Palawan ay may dumating na 10 na taga-lungsod sa airport at hindi tinanggap ng kanilang airline. Ngunit may natanggap umano silang liham mula Kay Dr. Palanca na nagsasabing isabay ang nasabing mga indibidwal at kanila lamang sasalubungin.
Nagbigay ng katiyakan ang Cebu Pacific na lubos nilang sinusunod ang mga napag-usapan at nagiging mas mahigpit ngayon upang makaiwas sa pagpuslit ng mga hindi talaga residente ng lungsod at lalawigan. Ani Bio, sa pag-check pa lamang ng isang pasahero ay agad na siyang hahanapan ng medical certificate, travel authority na mula sa PNP Kung saan sila galing na lugar at anumang government issued na identification card o dokumento na magpapatunay kung sa siyudad ng Puerto Princesa siya uuwi o mll sa Lalawigan ng Palawan.
Kapwa naman siniguro ng mga kinatawan ng Philippine Airlines at AirAsia na sinusunod din ng kanilang tanggapin ang schedule at ang bilang ng pupwedeng dami ng tao na babalik sa siyudad. Sa PAL ay naka-iskedyul ang lungsod tuwing Miyerkoles habang tuwing Biyernes naman ang Airasia.
Sa kabilang dako, hiniling ni Kgd. Herbert Dilig sa kinatawan ng Cebu Pacific na idagdag sa kanilang sistema ang isang katanungan sa mga bibili ng ticket kung sila ay taga-Puerto o hindi. Nangako naman ang representante ng nasabing kompanya na ipararating ito sa kanilang head office upang maidagdag sa kanilang online selling system.