PCSDS, nakiisa sa pagsasanay kaugnay sa kahalagahan sa paggamit ng satellite imagery

Photo from PCSDS

Lumahok ang Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) District Management Division (DMD)- South sa isang pagsasanay ukol sa paggamit ng satellite imagery para sa pagmamapa ng mga Pook Pampang, sa tulong ng USAID-FishRight. Ang pagsasanay ay naganap mula Agosto 21 hanggang 23 sa Hue Hotels and Resorts Puerto Princesa sa Puerto Princesa City, Palawan.
Mahalaga ang pagsasanay para sa PCSDS dahil magiging instrumental ito sa kanilang pagma-mapa gamit ang ECAN Zoning, pagkilala sa mga yamang pangisdaan at kalupaan, pagsusuri sa pagbabago ng kalagayan ng mga marine habitat at lupa sa paglipas ng panahon, pagmamanman sa mga proyekto at pag-unlad, at iba pang aspeto sa Palawan.
Nagbigay-daan ang pagsasanay na ito para sa pag-aaral ng mga mananaliksik at tagaplanong nagtataguyod ng kalikasan sa Palawan upang mas mapalalim ang kaalaman sa paggamit ng satellite imagery. Ito ay sa pamamagitan ng mga pangunahing teorya ng remote-sensing, proseso ng imahe, kalibrasyon, pagpapatunay, at pagsusuri ng pagbabago gamit ang sunod-sunod na imahe gamit ang Google Earth Engine.
Naroroon din ang ilang kilalang personalidad gaya nina G. David Lagomasino mula sa East Carolina, USAID Fish Right Program; G. J.P. Walsh, Direktor ng Coastal Resources Center mula sa University of Rhode Island, USAID Fish Right Program; at G. Nygiel B. Armada, Chief of Party mula sa USAID Fish Right Program, University of Rhode Island.
Kasama rin sa pagsasanay ang mga kinatawan mula sa Western Philippines University (WPU), University of the Philippines – Marine Science Institute, University of the Philippines – Department of Geodetic Engineering, University of the Philippines – Institute of Biology, De La Salle University, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), City Government ng Puerto Princesa, Provincial Planning and Development Office, Philippine Space Agency, University of Rhode Island, at PATH Foundation Philippines, Inc.
Exit mobile version