Pekeng prangkisa sa mga traysikel, ibinulgar sa konseho

Photo by Sev Borda III / Palawan Daily News

Ibinulgar ni City Councilor Elgin Robert Damasco sa session ng Sangguniang Panlunsod noong October 21,2019 ang pagbebenta ng pekeng prangkisa sa traysikel ng dalawang kawani ng City Goverment.

Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Damasco na nadiskubre niya ang tinatawag na franchise for sale kung saan mayroong nagbebenta ng pekeng prangkisa sa mga colorum na tricycle, drivers and operators dito sa lungsod.

“Sa ating pakikipag ugnayan sa City Traffic Management Office kinumpirma po ni Mr. Efnie Lusoc, ang enforcement head ng City Traffic Management Office na mayroon nga pong narekober na sampong pekeng certificate of franchise kung saan pineke ang  pirma ng kagalang-galang na Vice Mayor Maria Nancy Socrates na siyang chairperson ng City Tricycle Franchising Regulatory Board at ni Ginoong Rodel Munoz ang administrative office ng naturang tanggapan,” ani ni Damasco.

Ipinakita rin ni Damasco sa mga konseho ang pekeng dokumento kung saan ang nakapangalan ay wala umano sa listahan ng CTFRB.

Sinabi pa ni Damasco na maging ang pirma ni Mayor Lucilo Bayron sa sticker ay pineke lang rin at maging ang plate number.

Sa kaniyang pakikipag usap sa ilang mga operators, nabili raw nila ang pekeng prangkisa sa halagang sampong libong piso.

Ibinunyag rin umano  ng mga ito ang diumano’y dalawang empleyado ng city government na sangkot dito kung saan ang isa ay job order employee ng CTMO na si Rodel Medil.

“Madam presiding officer, this is a crime of public interest,” giit pa ni Damasco.

Maaari umanong kasuhan ang mga sangkot sa sindikatong ito dahil bagama’t sampo lang ang narekober ay marami pa ang nabigyan ng pekeng prangkisa sa halagang sampong libo partikular na ng falsification of public documents at forgery.

“Hindi po dapat pinapalagpas, hinihingi ko po ang reaksyon at aksyon ng konsehong ito sa mga dapat gawin upang matigil na itong ‘Franchinse For Sale’”, dagdag pa ni Damasco.

Sa ngayon ay inirefer ito sa Committee on Ordinances and Legal Matters at Committee on Transportation para maimbestigahan ng husto.

Exit mobile version