Sa pagsisimula ng ‘plebiscite period’ para sa nalalapit na pagboto ng mga mamamayan kaugnay ng paghahati ng Palawan sa tatlong probinsya, sinimulan na rin ang ang mga COMELEC checkpoint. Dahil dito ipinaalala ng Palawan Provincial Police Office (PPO) ang tamang paraan ng pagsasagawa nito.
“Mayroon po kaming team na manggagaling po dito [sa PPO] na regular din po pumupunta para tingnan po kung tama ba yung ginagawa ng mga kapulisan doon po sa ground. Kung tama ba ang pagkaka-setup ng checkpoint. Lead by officer, at the same time, nandoon sa lighted area, then tama po ba ang mga signages para malaman po ng motorista na mayroon pong checkpoint.”
“Actually mayroon po yan na tatlong signages. [Ang] ginagawa po natin, doon po sa bungad [para] ma-impormahan na mayroon pong checkpoint, doon sa dadaanan nila, may kasama rin na COMELEC official sa checkpoint,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel June Rhian, tagapagsalita ng Palawan Provincial Police Office.
Dagdag pa ni P/Lt. Col. Rhian, ‘plain view’ lamang ang gagawin ng mga awtoridad sa mga dumadaan na motorist sa checkpoint. Maliban na lamang kung ang sasakyan ay sangkot sa krimen, sa ganitong pagkakataon ay agad nila itong sisiyasatin.
“Sa part po ng PNP plain view doctrine lang po kami. Ipabababa lang po yung salamin nyan, titingnan lang po yan, ipa-flashlight. Maliban na lang po kung talagang mayroon tayong tinatawag na importanteng information. Kailangan pa rin po sundin namin kung ano po ang napaloob doon sa aming Police Operational Procedure. Hindi po puwede magkalkal ng ano pa man doon sa sasakyan,”
Ayon naman kay Chito Macatangay na residente mula sa bayan ng Quezon, Palawan. Maayos ang pagsasagawa ng checkpoint sa kanilang lugar simula pa noong Merkules.
“Okay naman ang checkpoint dito sa amin. Motor ang malimit na hinaharang at pinapa-open ang u-box. Tapos yung mga sasakyan na iba tinitingnan din pina-flashlight sa loob hindi naman pinapababa lalo na yung nasa kotse.”