Poultry farm sa Brgy. Bacungan, pansamantalang ipinatigil ang operasyon

Jomari Poultry Farm

Jomari Poultry Farm na pagmamay-ari ni G. Jose Pe

Pansamantalang ipinatigil ang operasyon ng Jomari Poultry Farm, na pagmamay-ari ni Jose Pe, na matatagpuan sa Sitio Maranat III, Barangay Bacungan, Puerto Princesa, batay sa naging resulta ng joint committee meeting ng mga konsehal na isinagawa ngayong araw, Enero 21, sa nasabing barangay.
Ayon sa nakalap na impormasyon ng news team, ang mga nagpulong-pulong ay sina Konsehal Gerry Abad ng Committee on Health and Sanitation, Kon. Luis Marcaida ng Committee on Food, Agriculture and Fisheries, at Kon. Elgin Damasco, ng Committee on Environmental Protection and Natural Resources, kasama rin ang mga residente at ang may-ari na si Pe.
Napagkasunduan sa pagpupulong na pansamantalang ipasara ang manukan ni Pe habang inaayos ang mga kinakailangang permit, kabilang ang Strategic Environmental Plan (SEP) Clearance na hinihingi ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD). Ayon sa PCSD, dahil lampas sa 1,000 ang bilang ng mga manok na inaalagaan sa nasabing mga kulungan kinakailangan na umano itong kumuha ng SEP clearance mula sa ahensya.
Sa panig ni Pe, sinabi niyang hindi umano niya alam na kinakailangan ang SEP clearance para sa mga negosyong katulad niya.
“Lahat naman ng permits in-apply-an ko eh. Ito lang [SEP Clearance] ang hindi ko alam ang hindi ko in-apply-an. Please don’t blame me hindi ko in-apply-an kasi hindi ko alam [and] that’s my own reason,” saad ni Pe sa pagdinig.
Nauna nang hiniling ni Konsehal Elgin Damasco sa sesyon ng Sangguniang Panlungsod ang pansamantalang pagpapasara sa naturang poultry farm bunsod ng mga reklamong natatanggap mula sa mga residente at kalapit na negosyante.
Sa naunang pahayag ni Pe, iginiit niyang sapat ang mga dokumentong kaniyang hawak upang makapag-operate, dahilan kung bakit siya naisyuhan ng bagong Mayor’s Permit. Gayunman, inamin din niyang hindi siya nabigyan ng Sanitary Permit dahil sa mga reklamong inihain laban sa kanyang manukan.
Samantala, bukas ang Palawan Daily News sa anumang pahayag ni Pe.
Exit mobile version