DOH, naglunsad ng libreng review program para sa mga underboard nurse

Para sa libo-libong underboard nurse na naghahabol ng oras at oportunidad bago sumalang sa board exam, may bagong bukas na pinto: ang Special Nursing Review Program (SNRP) ng Department of Health (DOH), na inianunsyo nitong Agosto 24.
Libre ang review, at higit pa roon, may kasamang pagkakataong makapagtrabaho bilang Clinical Care Associates sa mga ospital ng DOH.
Ayon sa DOH, habang naghahanda para sa Nursing Licensure Examination, maaaring magsilbi ang mga kalahok bilang Clinical Care Associates sa mga ospital ng ahensya.
“While preparing for the Nursing Licensure Examination, participants in the program may also serve as Clinical Care Associates in DOH hospitals, which allows them to gain practical experience while reviewing,” pahayag ng ahensya.
Ang naturang modelo ay tila sagot sa dalawang magkaibang pangangailangan, para sa mga kabataang nurse na naghahanap ng kasanayan bago ang board exam, at ang mga pampublikong ospital na patuloy na humaharap sa kakulangan ng staff.
Hindi rin komplikado ang aplikasyon. Kung nais magtrabaho sa mga ospital ng DOH, kinakailangang direktang makipag-ugnayan sa chief nurse ng pasilidad na kanilang target.
Para naman sa mga ospital ng lokal na pamahalaan, dapat makipag-coordinate sa mga training specialists ng kani-kanilang Centers for Health Development (CHDs).
Nakatakda ang deadline ng pagsusumite hanggang Setyembre 5, 2025, isang panahong mas maikli kaysa karaniwang enrollment sa review centers, ngunit sapat para sa mga handang sumugal sa pagkakataon.
Sa Pilipinas, kung saan libo-libong nurse ang lumalabas taon-taon upang magtrabaho sa ibang bansa, ang SNRP ay maaaring magsilbing pahinga at pansamantalang sagot.
Para naman sa ilan, ito’y dagdag na pag-asa na hindi lamang maghahanda sa kanila para sa pagsusulit, kundi magbibigay rin ng mahalagang karanasan bago maging ganap na propesyunal.
Exit mobile version