Maagang gumigising ang mga batang katutubo sa Barangay Candawaga. Bago sumikat ang araw, bitbit na nila ang kanilang lumang bag, may ilan pa’y nakayapak, handang harapin ang mahabang lakad—isa hanggang dalawang oras mula sa kanilang tahanan patungo sa paaralan. Sa likod ng bawat hakbang nila sa maputik at masukal na daan ay isang matibay na paninindigan: ang makapag-aral.
Sa Maruso Elementary School, isang simpleng paaralang gawa sa kawayan at pawid, matatagpuan ang halos 90 mag-aaral—mga batang nangangarap ng mas magandang kinabukasan. Dito, hindi lang karunungan ang hinahanap nila kundi pagkain din. Ayon kay teacher Chari Mae Bombales, isa sa apat na gurong naka-assign sa Maruso, araw-araw silang nagsasagawa ng feeding program.
Ang kanilang mga upuan ay luma at gawa sa kahoy. Napansin kong kulang rin ang mga upuan para sa siyamnapung mag aaral kay hindi ko napigilang tanungin ito.
“Opo maam. Karamihan po ay pinapaupo nalang sa plastic chairs na walang desk. Tapos kadalasan itong desk chairs nagshi-share sila sa desk para makapagsulat.”
Ang sahig lamang ang tanging nasemento. Wala silang ceiling fan, at ang ilaw ay natural na liwanag mula sa araw na pumapasok sa siwang ng mga pader. Kapag umuulan, basa ang gilid ng silid-aralan; nagsisiksikan sila sa isang sulok na may takip.
Ngunit kahit ganito, hindi matatawaran ang sigasig at kasabikan ng mga batang ito na matuto. Ang ingay ng kanilang tawa—kahit gutom at pagod—ay patunay na sa kabila ng kakulangan, puno pa rin ng pag-asa ang kanilang mga puso.
Higit isang oras ang nilakbay ko mula sa kabisera ng Punta Baja patungo sa Maruso. Sa gitna ng alikabok, lubak-lubak na daan, at tanawing tila hindi inaabot ng progreso, hindi ko naiwasang magnilay. Sa mga lugar na gaya nito, isa sa mga una kong napansin ay ang mga nakapaskil na tarpaulin ng mga politiko noong nagdaang eleksyon.
Kung nakarating dito ang mukha nila—may ngiti, may pangako, may pangalan, makakarating din ang mga serbisyong dapat nilang dalhin, at makakatawid ito maging sa bundok. Minsan kailangan lang ng patunay, o ng tulay na magdudugtong nito para sa kamalayan ng mas nakakarami.
Habang papalapit kami sa kabundukan, hindi ko maiwasang balikan ang sarili kong karanasan bilang estudyante. Napakalayo ng mundong ito sa kinalakihan kong paaralan—may sariling desk, maayos na kisame, sapat na aklat, at sapatos na hindi kailangang tapalan.
Hindi ko kailanman kinailangang maglakad ng ilang oras, o pumasok kahit walang laman ang tiyan. Noon, hindi ko iyon iniisip bilang biyaya. Pero ngayon, malinaw na malinaw sa akin: napakapalad ko.
Ipinagkaloob Niya sa atin ang buhay na hindi kailangan ng ganitong uri ng sakripisyo noong tayo’y nag-aaral, at sa ganitong pagkakataon, marahil ay hinahamon Niya tayong gamitin ang sobrang iyon—oras, pera, lakas, malasakit—para ibahagi sa mga mas nangangailangan.
Ang mga batang katutubo ng Maruso ay lumalakad ng maraming kilometro araw-araw para lang makapasok at makakain. Ang mga tsinelas raw nila ay halos butas na, minsan wala pa. Ang mga silid-aralan na napag-isip kong higit pa sa pagiging payak—kundi ito’y pagtitiis, pag-asa, at sakripisyo na isinasabuhay ng mga mag-aaral at guro sa araw-araw.
Kaya sa panahong ito ng pagbabalik-eskwela at sa nalalapit na tag-ulan, ako po ay kumakatok sa inyong puso.
•Raincoat at payong, upang sa kabila ng ulan ay makapasok pa rin sila sa eskuwela
Alam kong maraming suliranin ang ating bayan. Pero kung meron kang konting sobra—kahit isang pares ng tsinelas, isang pack ng lapis, o isang kilong bigas—napakalaking bagay na po niyan sa mga batang ito. Sa kanila, ang mga ito ay maaaring maging dahilan para hindi na nila kailangang pumili sa pagitan ng pagkain at pag-aaral.
Ako ay babalik dito, umaasang makakapaghatid ng pag-asang mas marami pa ang tutugon. Dahil sa mata ng batang sabik matuto, ang maliit mong ambag ay isang hakbang papalapit sa kanyang pangarap.
Dahil naniniwala ako na ang pangarap ay hindi natatapos sa dingding ng isang silid-aralan o sa pahina ng isang luma at lukot na kwaderno. Ang pangarap ay nananahan sa puso ng bawat batang piniling maglakad ng isang oras sa ulan, mag-aral kahit walang ilaw, at ngumiti kahit wala nang laman ang baon. Ang pangarap nila ay hindi marangya—kundi marangal. Simpleng hangarin na balang araw, sila naman ang tutulong.
Kaya sana, sa panahong ito na tayo ang may kakayahang umalalay, piliin nating maging bahagi ng pag-abot nila sa bituin. Dahil kung hindi ngayon, kailan pa? At kung hindi tayo, sino pa?