‘Laging may pag-asa para sa sinuman’

'Laging may pag-asa para sa sinuman'

Isang pulis na tubong Abongan, Taytay, Palawan ang kusang tumulong upang makabalik ng Palawan ang isang lola na nagkataong mula rin sa pinanggalingan niyang lugar.

Unang kumalat sa socia media ang post ng isang residente ng Tibig, Silang, Cavite na si Dannica Mahinay Gunisto na nag-post noong Oktubre 2020 na humihiling sa sinuman na nakakikilala sa isang lola na si Marilou Ramos Anahaw na agad na ipagbigay-alam sa kanyang mga kaanak sa Abongan, Taytay, Palawan ang kanyang kalagayan. Binanggit niyang nangangailangan ng tulong ang matanda dahil wala siyang tinitirhan sa kanilang barangay, may sakit at nanghihingi na lamang ng pagkain dahil sa hirap sa buhay.

Sa dami ng nag-share ng original post, nakita ito ni Patrolman (Ptlm) Stephen Ray B. Nifras at agad na kumilos upang makatulong kay Nanay Marilou na tumira na sa Tibig, Silang, Cavite ng mahigit na sa 10 taon.

“Last year, my birthday was approaching near. Due to my work, I have been away from my family for more than a year. I was looking for a purpose, as to my present situation. Little did I know, God wanted me where I am all along,” ang bahagi ng post ni Ptlm. Nifras kahapon.

Nang malaman ng Palaweñong pulis ang sitwasyon ng matanda ay agad niya itong dinalaw. Nagdala ito ng pagkain at tulong sa kanyang unang pagbisita.

Makikita naman sa post ni Ptlm. Nifras ang kalunos-lunos na kalagayan ng tinitirhan ng matanda. Kasabay naman nito ay nakipag-ugnayan din siya sa lokal na pamahalaan ng Taytay upang makauwi na sa si Nanay Malou.

Dahil sa tulong ni Nifras at ng iba pang mga indibidwal at ahensiya ng pamahalaan, noong Enero 7, 2021, pinayagan nang makabiyahe pauwi ng Palawan si Gng. Anahaw, sakay ng isang barko. Ligtas siyang nakabalik ng lalawigan at sa kasalukuyan ay kasama na ang kanyang pamilya sa Abongan, Taytay.

Sa kabila ng mga natanggap na pagbati at papuri hindi umano hangad ni Ptlm. Nifras ang magpasikat. Ang nais lamang daw niya ay maghatid ng inspirasyon sa mga taong nangangailangan, na “Laging may pag-asa para sa sinuman,” sa mga sandaling inaakala nilang wala nang pag-asa.

“There’ll always be a hope for others,” aniya.

“We often seek help and we can’t help but seek the conventional one, but it often comes in many forms, most often in forms we do not expect. God indeed works in mysterious ways, and I am very thankful and proud to have been used as His instrument for this deed,” ayon pa sa post ni Patrolman Nifras kahapon.

Dagdag pa nito, bagamat naging bahagi siya ng matagumpay na pag-uwi ni Nanay Marilou, ang kuwentong ito aniya ay hindi tungkol sa kanya kundi kwento ng pag-asa ni Nanay Marilou Anahaw.

ANG BUHAY NI ‘NANAY MALOU’
Ikinuwento pa ni Ptlm. Nifras na nilisan ni Nanay Malou ang Palawan dahil sa hirap ng buhay noon, sa pag-asang makahahanap siya ng kaginhawaan sa buhay. At dala ang kahit kakarampot lamang na salapi, sumakay siya sa isang lantsa at lumuwas ng Kamaynilaan.

“To her dismay, the sought after better life was likewise difficult to find. She roamed around the Metro. Luckily, she found job in Tondo and leave, and until she finally landed in Laguna and found a job as a maid,” aniya.

Kwento pa umano ng matanda kay Ptlm. Nifras, malayo sa kanyang mga pangarap, maliit lamang ang kanyang naging sahod at halos sapat lamang sa kanya. Hanggang sa nagkaroon na siya ng sariling pamilya at nagkaanak ngunit patuloy nilang dinaranas ang hirap ng buhay.

Dahil sa nagkaroon na rin ng sari-sarili ng pamilya ang kanyang mga anak, namuhay nang mag-isa si Gng. Anahaw. Dahil sa kanyang katandaan ay nahirapan na siyang magtrabaho para sa kanyang sarili at dumating sa puntong nilalakad niya lamang ang pagpunta sa iba’t ibang lugar hanggang sa namalagi na sa Tibig, Silang, Cavite.

“There was no time that passed that she wished to be reunited with her family. In hopes of saving up money to send herself home, she gathers ‘talbos’ of various vegetables and root crops to sell to her neighbors. Unfortunately, the money was barely enough for her daily necessities,” ayon pa sa tumulong na pulis.

Ang nag-post namang si Bb. Gunisto ay tumulong sa matanda at sa katunayan ay in-adopt siya ng pamilya nito. Tinulungan din niya ang matanda na mahanap na ang kanyang pamilya sa Bayan ng Taytay, Palawan sa pamamagitan ng pag-post nito sa social media hanggang sa nakaabot sa kabatiran ni Ptlm. Nifras at sa mga taga-Palawan.

Kaugnay nito, nagpaabot ng labis na pasasalamat si Ptlm. Nifras kay Dannica Mahinay Gunisto sa pag-adopt sa ginang sa panahong lubos niyang kailangan, sa LGU Silang, Cavite sa mabilisan nilang pagproseso ng clearance ng ginang, sa LGU Taytay, Palawan at MDRRMO-Taytay sa pag-welcome at assistance, kina Kapt. Nonie Erfe at Kgd. Wilma Jungco Capuno, at sa PNP Medical Reserve Force sa kanila ibinigay nilang pagkilala.

Kanya ring pinasalamatan ang kanyang mga kaibigan at mga kamag-anak sa kanilang walang sawang pagtulong at pagsuporta.

“Let this story be an inspiration to others, keep helping other people, looking not for personal gratification but as a symbol of hope to people who have little to none,” ani Patrolman Nifras.

PAPURI NG PNP MRF KAY PTLM. NIFRAS

Pinuri rin ng PNP Medical Reserve Force ang ginawang kabutihan sa kapwa ni Patrolman Nifras, sa pamamagitan ng post ng PNP MRF kahapon, January 18.

“Our PNP Personnel go beyond the ‘Call of Duty’ and another proof under the name of Medical Reserve Force Patrolman Stephen Ray B. Nifras. Keep up the good work, MRF Patrolman Stephen Ray B. Nifras!” ang bahagi pa ng post ng PNP MRF.

Exit mobile version