Mailap sa mga taga-Palawan ang maging housemate sa bantog na bahay sa bansa, ang Pinoy Big Brother na simula umere nung 2005 sa ABS-CBN ay wala pang nakakapasok na mula sa isla ng Palawan. Ngayong inanunsyo na ang muling pagbubukas nito, dagsa ang mga kabatang Palaweno na gustong subukang maging housemate, lalo pa’t online na ang audition na naganap.
Sa ating pagsasaliksik, tatlong Palaweno pa lang ang muntik ng maging boarder ni Kuya, ngunit matapos ang mahabang prosesong pinagdaanan ay hindi sila pinalad na mapili sa iba’t ibang kadahilanan.
Bilang kauna-unahang sumubok na mag audition ang dating Star of Palawan hopeful na si Nesty Inocencio. Dumayo pa ito sa Maynila para mag audition noong 2006 para sana sa kauna-unahang PBB Teen edition. Maaga sa pila na mula sa halos limang libong kabataang nag audition, napili siya sa natirang 500 ngunit hindi na siya naka ungos pa sa sumunod na elimination.
Sumunod na sumubok para sa adult or regular housemate ang negosyanteng si Rose Marie Arga ng Royal Oberoi Hotel, umabot sa pinakahuling round ng elimination si Arga noong 2007 ngunit hindi na rin ito nag-advance matapos hindi niya magawa ang isang challenge sa audition dahilan para siya matanggal.
Ang pinaka muntik na maging housemate ay ang local beauty queen na si Febbie Ann Sabaluca, taong 2008 nang sumubok mag audition si Febbie na sa NCCC Mall ginanap, mula sa daan-daang sumubok ay natira si Febbie mula sa Puerto Princesa auditions at pasok siya sa Top 30 housemates na pinapasok mismo sa bahay ni Kuya, ngunit may huling task ang lahat ng napili kung saan nabigo siya at tuluyang hindi mapiling official teen housemate noong panahong yun.
Si Febbie ay naging second runner up ng Mutya ng Palawan bilang kinatawan ng bayan ng Magsaysay at isa sa mga modelo ng Palawan Talent Center ng kilalang handler at designer na si Robert Gonzales. Sa panayam ko noon kay Febbie ay lubos siyang nanghinayang sa nangyari, lalo pa’t ang Teen Edition na ‘yun ng PBB ay pumunta mismo sa Underground River para mag shoot, nilabas noon ang mga housemate para sa limang araw na shooting sa parke, bilang suporta nila sa kampanya ng City Government na mapabilang sa 7 wonders ang pamosong underground River.
Sa kauna-unahang PBB celebrity Edition kung saan nanalo si Keanna Reeves, ay minsan naging usap-usapan ang ginawang pagbanggit ni Keanna sa noo’y Kongresman na si Abraham Mitra at Bataraza Mayor Abi Ibba noong maging nominado ito para mapalabas sa bahay. Bago kasi pumasok si Keanna sa bahay ni Kuya ay nakapag-show pa ito sa foundation day ng Bataraza kung kaya special mention nya ang dalawang opisyal na nangako sa kanya ng tulong sakaling ma-nominate siya.
Sa ngayon on-going pa rin ang audition para sa mga bagong housemate nag-eedad 16 hanggang 35 taong gulang, via Kumu App ang audition at hanggang Nobyembre 11 pa ito tatagal. Mga kilalang beauty queen, local models, mga vloggers at influencers mula sa Palawan ang ilan sa mga nakapagpasa na ng kanilang audition video online.
Ito na kaya ang panahon na magkaroon ng housemate mula sa Palawan? Iyan ang ating aabangan sa muling pagbubukas ng bahay ni kuya, na isa rin sa kilala bilang venue upang maging artista sa showbiz.