Palawenyang nagtuturo ngayon sa China, tampok sa newest online series ng PDN na ‘Story Café’

Isang natatanging guro mula sa Lungsod ng Puerto Princesa ang kauna-unahang naitampok sa “Story Café,” isang interactive at ang pinakabagong online series ng Palawan Daily News (PDN).

Kasabay ng pandemya na hindi maikakailang nagpabago sa normal na takbo ng buhay sa buong mundo kabilang na sa pagtuturo sa eskwelahan, isang Palawenya ang nagpakita ng katatagan sa hamon ng buhay—malayo man sa kanyang pamilya at lupang tinubuan.

Siya ay si teacher Marianne Lourdes “Beng” Leonor na tinaguriang “excellent English teacher” at nakabase ngayon sa bansang China na tumagal na roon ng walong taon.

Teacher Marianne shares her inspiring story at Story Cafe, Palawan Daily News’ new online series.

Kinuwento ni teacher Leonor sa host ng “Story Café” at Managing Editor ng PDN na si Fabienne Paderes kung paano niya siya naging guro, paano niya nalagpasan ang mga hamon nang tinamaan ang Tsina ng Coronavirus disease 2019 at higit sa lahat, paano niya hinarap ang biglaang pagtuturo online sa kanyang mga Chinese student dala na rin ng pag-iingat mula sa nakahahawang virus.

Ani Titser Leonor, nang tumindi ang kaso ng COVID-19 cases sa China at nag-lockdown ay ganoon na lamang ang kanyang takot ngunit kahit pinauuwi na ng kanyang pamilya sa pamamagitan ng repatriation ay hindi niya ginawa dahil mas nakatatakot umano siyang lumabas at pumunta ng Wuhan dahil sa banta ng virus.

Sa kabutihang-palad ay nagpapasalamat pa rin umano siya na malayo sila sa sakit dahil na rin sa isolated area ang kanilang lugar at tatlo lamang silang natira sa compound ng paaralang tinuturuan sa Shizuo City, Hubei Province sa Tsina at napaka-supportive din ng kanilang pamunuan at ng mga city official.

“I’m alone here…. So, when you were in that situation, you have no choice but to stay resilient and stay strong,” aniya habang ikinukwento na minsan na siyang nagkasakit na mayroong flu-like symptoms.

Matapos mag-lockdown ng ilang buwan at hanggang ngayon ay wala pa ring anunsiyo ang Chinese Government, buwan ng Abril umano nang iutos ng kanilang pamunuan na simulant na ang online class para sa kanyang Grades 1-6 students.

Sa kanyang 25-30 minutong live lesson, tinitiyak umano ni teacher Leonor na maganda at presentable ang kanyang powerpoint presentation dahil nanonood din ang mga magulang ng kanyang mga mag-aaral; at higit sa lahat ay ibig niyang makuha ang atensiyon ng mga bata.

Mabuti na lamang aniya na matagal na siya roon kaya marami na siyang materials at in-enhance at mino-modify na lamang niya. Mula rin sa maliit na silid-aralan, masaya siyang binigyan siya ng malaking classroom para sa kanyang mga online class.

“I’m very happy that my school put up a very convenient and equipped classroom for me…. They’re very supportive,”

HAMONG KAAKIBAT NG ONLINE TEACHING

Aminado ang Palawenyang guro na hindi sila nakapaghanda para sa transition sa virtual classes na halos kaparehas din sa sitwasyon ng Pilipinas. Dahil dito ay ibinahagi niya ang kanyang pakikibaka para mapagtagumpayan iyon hanggang sa tila sanay na siya sa ganoong set-up sa ngayon.

“I’ll speak of course from my own experience like we never thought that this would happen…especially for those teachers right now who are feeling a bit frustrated with the happenings, [the situation is the] same here. [But] I think, andiyan na ‘yan eh! We cannot question it anymore,” aniya.

Sa kanyang karanasan, hindi na umano siya nagkwestyon at hindi na nagreklamo sa kabila ng ilang araw lamang ang kanyang paghahanda para sa virtual teaching simula noong Abril na aniya’y naging dagdag pa sa hamon dahil Chinese na mga mag-aaral ang kanyang tinuturuan.

Kaya payo niya sa kapwa niya mga Pilipinong guro na sa sitwasyon ngayon, ikonsidera na lamang na isa itong bagong oportunidad at isang magandang solusyon sa para maihatid pa rin ang kaalaman kahit sa gitna ng kinakaharap na problema dulot ng COVID-19.

Aniya, kung bago pa lamang sa online teaching ay tanggapin na maaari kang magkamali gaya umano niyang naging “disaster” ang una niyang pagkakataong ginawa ito na kinailangan nilang i-cut ang online class. Aniya, umiyak siya sa kanyang mga pagkakamali lalo pa’t kinabukasan ay may klase na naman siya ngunit magkagayupaman ay humanap siya ng solusyon.

“Okay! It’s okay to feel bad for a while, of course we’re humans and after that, think of the solutions!” aniya.

Hanggang sa nagdesisyon siyang tawagan ang kanilang IT upang matulungan siya, upang palakasin ang kanyang internet connection at maintindihan ang app. na in-install ng pamunuan ng eskwelahan sa kanyang cellphone. Aniya, live man ang kanyang pagtututuro ay nire-record din ito ng kanilang eskwelahan.

GAWING MAGAAN ANG PAGTUTURO

Aniya, kapag nagkamali ay idaan na lamang sa “joke” at bumalik agad na tila walang nangyari at huwag nang magreklamo at ipanatili lamang ang nais na takbo ng pagtuturo.

“You just have to be positive, resilient and as a teacher, of course, we all know this, [we should have] flexibility…. Daanin na lang sa tawa minsan. It’s okay to commit mistakes sometimes [for] we’re not perfect,” aniya.

Dagdag pa ni teacher Leonor, virtual teaching man ang kanilang set-up sa ngayon ngunit sa pagtuturo umano ay iniisip niyang tila naroon din sa silid-aralan ang kanyang mga estudyante kaya ipinapanatili niya ang mga nakasanayan niyang sa face-to-face teaching.

MGA ADVANTAGES NG ONLINE TEACHING

“I would want them to be adventurous. I mean, this is already here, so we just have to deal with it. ‘Wag na natin i-question as I’ve mentioned…. And then when we do the class now, kasi I also watched the news, I read the news na ‘yon na nga, in the Philippines, we are also starting online classes, I think, one advantages of this, you can record the class and then you can just play it,” payo niya sa mga kapwa niya Pilipinong guro. “….

[I]f you record your class, it’s good because, the advantage here is that, the students can watch it again anytime…they can watch it all over again.”

Sa halos dalawang buwan niya sa paggamit ng online mode of teaching, pinatunayan niyang mas advantageous ito dahil maaaring balik-balikan ng kanyang mga mag-aaral ang kanilang lesson dahil naka-record ang mga iyon kumpara sa tradisyunal na paraan na ituturo at kalimitang nakalilimutan lamang nila.

“If they (students) have the time where they can go to another place…at least they can watch it at their convenience…. Like also on my case, even though I do it live, it’s automatic na naka-record sa page ng school ko, so the student can watch it again and again,” aniya.

Sa pagtuturo online, aniya ay kailangang ihanda pa rin ang lesson plan, ikonsidera ang grade level na tuturuan, samahan ng mga madadaling lesson at maging creative. Ang maganda lamang umano sa online teaching ay may mahabang oras para sa paghahanda para rito.

Ani teacher Leonor, mahirap ang umalis sa “comfort zone” at di maiwasang naroroon ang takot ngunit isipin na lamang umano na ihalintulad ito sa pagpunta sa ibang magandang lugar na isang magandang karanasan. Ang mahalaga rin umano ay paganahin ang kaisipan kumpara sa emosyon.

Aniya, ang pinakamahirap lamang sa virtual teaching ay ang “pag-adjust” sa sitwasyon ngunit kapag naka-adjust na ay nagiging magaan na rin umano ang lahat. Pabiro pa niyang sinabi na kapag naging sanay na sa sa bagong approach ay baka ayaw na nilang bumalik pa sa lumang istilo ng pagtuturo.

“Like ako, in my case, the advantage here…is that this is the classroom, and my house is just there— 115 steps [lang]. You just have to look for the advantages on the new things that are happening to you. Instead on looking on ‘What was,’ focus on ‘What if’ and ‘What will be,” dagdag pang payo ni Leonor.

Anuman ang sitwasyon, aniya, ikondisyon lamang ang kaisipan at manatiling maging masaya sapagkat ang pinakamaahalaga umano ay ang kaligayahan ng isang indibidwal.

Sa mga nagnanais naman umanong humingi ng tip sa online teaching ay i-add lamang siya sa Facebook at kung may katanungan ukol sa online teaching ay masaya siyang ibahagi ang mga ito.

Samantala, ikinuwento naman ni teacher Marianne Lourdes na Grade 2 siya noon nang ma-inspire sa galing at husay ng kanyang tutor na si teacher Rose Vicente sa pagbigkas ng mga salita. Naging tutor umano niya si teacher Vicente, na ngayon ay kunektado ng DepEd-Palawan, ng matagal at maaaring iyon ang nag-motivate sa kanya upang tahakin ang landas ng pagiging guro.

Exit mobile version