Project Abot-kamay Share and Care ng Palawenyo Savers Club, inilunsad upang tumulong sa mga mag-aaral

Nananawagan ngayon ang isang grupo ng mga Palawenyo sa lahat ng mga Pilipino na mag-ambag ng kahit magkano upang matulungan ang mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod ng Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan.

Unang inilunsad online noong Agosto 22, kahapon nang pormal na inilunsad ng Palawenyo Savers Club (PCS) ang “Project Abot-kamay Share and Care” na layong magbigay ng laptop sa mga estudyanteng nasa elementarya, junior high school at senior high school at mga kinakailangang facemask, faceshield at alcohol (isopropyl/ethyl)  naman sa mga guro.

Ayon sa Project Coordinator ng “Project Abot-Kamay Share and Care” at miyembro rin ng PSC na si May Alldritt, sa laki ng bilang ng mga nagangailangang estudyante sa pagpapatupad ng Deped ng distance learning program, kinakailangan nang i-involve ang komunidad sa gagawing hakbang. Aniya, magkano man ang malilikom na salapi hanggang sa Setyembre 30 ay tatapatan naman ito ng PSC ng 50 porsiyento.

Sa kanilang datus noong Agosto 26, umabot na sa P196,273.52 ang cash donation  at tinapatan ng PCS ng P98,136.76  kaya umabot na sa P294,410.28 ang kabuuang nalikom na salapi. Sa donation in kind naman ay mayroong 50 pirasong tablet.

Ani Alldritt, sa proyektong ito, kahit sino ay pwedeng tumulong at kahit magkano ay tatanggapin ng kanilang grupo dahil hindi maitatatwang anuman ang hamon noon ay nadagdagan ngayong panahon ng pandemya. Kaya aniya, anuman ang maiambag para pambili ng laptop at iba pang pangangailangan ay lubos na makatutulong.

Tiniyak naman ng grupo na ilalahad sa publiko ang lahat ng impormasyon ukol sa proyekto gaya ng mga pangalan o lugar ng mga donor, paano ibinigay, at halaga o uri ng donasyon.

Upang maging benepisyaryo, kailangan lamang na lumiham ang isang mag-aaral ukol sa kinakailangan nilang laptop na iba-validate naman ng grupo sa pamamagitan ng pagbisita sa tahanan ng sender at pagkausap sa head teacher o principal ng estudyante upang maiwasan din ang pagdoble ng pagbibigay ng tulong.

“Ang mga estudyante po ay maaaring magpadala ng sulat sa ‘pisopisoaaseno@gmail.com’  o [ng] private message sa ‘Sa Piso-piso, Aasenso Facebook Page,” ani Alldritt.

Ang mabibigyan naman ng facemask, faceshield at alcohol ay mula sa rekumendasyon ng City DepEd at Provincial Deped.

Nilinaw din ng Project Coordinator ng programa na walang ipaprayuridad sa proyekto basta’t ang general criteria lamang ay public school student o mga paaralan sa siyudad at lalawigan habang ang bilang ng kanilang matutulungan ay nakadepende sa kabuuang malilikom sa buong buwan ng Setyembre.

Tiyak din nilang imo-monitor ng PSC ang lahat ng benepsiyaryo at mariing itinagubilin na hindi pwedeng ibenta ang matatanggap na laptop.

Aniya, ang mga mabibigyan ng branded laptop ay ang mga mapapabilang sa final list habang ang mga Shortlisted naman ay secondhand tablet.

Sa ngayon ay ongoing na umano ang ginagawa nilang pag-alam kung anong model at anong specs ng laptop ang bibilhin at kanilang ipamimigay na kanila rin naman umanong ipo-post sa kanilang Facebook page upang makita ng lahat.

Target ng Palawenyo Savers Club na maibahagi ang mga tulong bago ang Oktubre 5 na itinakdang bagong petsa ng pasukan sa mga pampublikong paaralan.

Sa kabuuan namang salaping malilikom, nasa 75 porsiyento ang ilalaan sa pagbili ng laptops at ang natitirnag 25 porsiyento ay para sa faceshield, facemask at alcohol na ang aktuwal na bilang ay nakabase sa maiipong salapi mula sa donasyon at PSC donation.

Sa kabilang dako, kabilang sa dumalo sa launching ng proyekto sa Balai Princesa ay si PPUR Park Superintendent Beth Maclang na kung saan, ang kanilang hanay ang isa sa mga nagbigay ng donasyon para sa mga bibilhing laptop ng mga mag-aaral. Ani Maclang, ideya ng kanyang mga tauhan ang maglagay ng mga barya o sobra nilang pera sa 1.5 bote ng softdrinks  araw-araw na katagalan ay naipon din.

Samantala, sa mga nagnanais namang magbigay ng donasyon ay maaari itong ihulog sa pamamagitan ng bank transfers online sa Security Bank, BDO at BPI; sa mobile o E-wallet gaya ng Paymaya, GCash, at PayPal; sa mga donation box ng mga partner establishment sa siyudad, o ihatid mismo sa tanggapan ng iSMLRP Lending Corp. sa 15-A Carandang St., Puerto Princesa City.

Exit mobile version