Teacher Annie ng Oriental Mindoro, sakripisyo ang alay sa kanyang mga estudyante

Si Teacher Annie (naka-asul na blusa) at kanyang mga estudyante sa Labo Elementary (larawan mula sa personal Facebook page ni Teacher Annie)

Si Annie Lee C. Masongsong ay karaniwang guro na may di pangkaraniwang karanasan sa pagtuturo.

Kilalang sa palayaw na Teacher Annie, napatunayan niya na hindi hadlang sa pagtuturo ang mga mapuputik at mababatong daanan, o di kaya ay malalim na ilog at kahirapan.

Si Teacher Annie (naka-asul na blusa) at kanyang mga estudyante sa Labo Elementary (larawan mula sa personal Facebook page ni Teacher Annie)

Ang mga itinuturing na balakid, ay inspirasyon, para sa mga gurong determinadong  mailapit ang edukasyon sa mga taong higit na nangangailangan nito.  Si Teacher Annie  ay nagtuturo sa  Labo Elementary School sa Bansud, Oriental Mindoro.  Dalawamput siyam na kilometro ang layo ng paaralan sa poblacion at para marating ito, kailangan munang sumakay sa motorsiklo (o single) sa biyahe na tatagal ng kalahating oras.  Ang pagsakay sa motorsiklo ay papalitan ng halos dalawang oras na paglalakad para bunuin ang  14 na kilometro.

Walang kalsada, walang tulay. Mabato, pababa, pataas at maputik na lupa  ang daraanan, 16 na rumaragasang  ilog ang tatawirin.  Ito ang lingguhan penitensya ni Teacher Annie papunta sa kanyang paaralang pinagsisilbihan.

Ang Labo Elementary School ay nagseserbisyo sa isang kumunidad ng katutubong Mangyan.  Hindi lang nagtuturo si Annie, siya ay nagpapakain na rin.  Naghahanda siya ng pagkain, kadalasan ay lugaw, para ganahan ang kanyang mga estudyante sa kanyang klase.  Napag-alaman ni Teacher Annie na karamihan ng kanyang estudyante ay pumapasok ng walang laman ang sikmura.  Ang pondo para sa pakain ay kadalasan ay sa sariling bulsa nanggagaling. Para maipagpatuloy ang gawaing ito, humihingi siya ng saklolo sa kanyang mga kaibigan at kaeskwela para mapunuan ang kakulangan sa sariling kakayahan.

Dalawa ang klase ni Teacher Annie sa Labo; may pambata at may para sa may wasto edad na – mga magulang sa komunidad.  Pagkatapos ng klase ng mga bata, ang mga matatandang Mangyan naman ang tinuturuan ni Teacher Annie ng aritmetik at literasi.  Ito ay boluntaryong ginagawa ni Teacher: naniniwala siya na makakatulong  ang mga nakatatandang Mangyang sa pagtuturo sa mga bata.

Dahil mahirap ang daanan mula sa Labo papunta sa health center o sa botika, minabuti ni Teacher Annie na siya mismo ang magkusang bumili ng mga gamot at bitamina.  Minsan galing sa bulsa, minsan galing sa awa ng mga kaibigan.

Maralita ang kumunidad ng Labo at marami pang pangangailangan ang paaralan.  Kaya noong  2014, nagsimulang makipag-ugnayan si Teacher Annie sa mga kaibigan, samahan at grupo upang madugtungan ang mga kakulangan.

Ang kwento ng sakripisyo ni Teacher Annie ay umabot sa kaalaman ng ilang mga grupo, sa loob at sa labas ng bansa.  Naging tampok ang kanyang kwento sa isang dokumentaryo sa “I-Witness” noong 2015.

Sa mga nahingan ng tulong, nakabalita o nakapanood sa kanyang kasaysayan, may nagpadala ng mga pagkain, damit at salapi para maipambili ng bigas at groseri sa mga nakaraang Pasko.  May mga nagpadala ng school supplies at tsinelas para sa mga batang Mangyan.  Yung iba, sinuportahan ang kanyang mga maliliit na proyekto gaya ng patubig at proyekto gaya ng pag-aalaga ng baboy para sa ilang pamilya para may karagdagang kita ang pamilyang naninirahan sa Labo.Maging ang mga kagamitang tulad ng pagkakarpintero ay napadalhan sina Teacher Annie at naibigay sa mga pamilyang Mangyan sa Labo.

Mga ilog na tinatawiran nina Teacher Annie (mula sa personal na Facebook account ni Teacher Annie)

Dahil sa kanyang mga naiambag sa paaralan at sa kumunidad, pinarangalan ng iba’t ibang samahan si Teacher Annie: Natatanging Guro (Rotary Club of Calamba City); 2016 Teacher of the Year #Salamat Teacher (Gabay Guro of PLDT and Smart Foundation); at 2017 Outstanding Teacher Award.

Nagkaroon ng mga pagkakataon para makapagturo sa ibang lugar si Teacher Annie: mas malapit, mas komportable.  Subalit mas pinili niya  ang Labo Elementary School kesa sa mas komportableng assignment dahil naniniwala ang guro na kailangan pa siya ng kanyang mga estudyante sa ngayon. (LP/PIA Mimaropa)

 

Exit mobile version