Mataas na presyo ng pag-angkat ng karne ng baboy, iniinda ng mga vendor sa New Market

Isa sa lubos na umaaray ngayong panahon ng pandemya ay ang mga nagtitinda sa Pamilihang-Bayan ng Puerto Princesa na isang buwan na umanong nagtatiyaga sa mahal na presyo ng inaangkat nilang karne ng baboy.

Ayon kay Lea Macabuhay na limang taon nang nagtitinda sa New Public Market sa Brgy. San Jose, hirap na hirap na silang iadjust ang presyo ng ibinibenta nilang mga karne ng baboy na makuha ang kanilang tubo na hindi naman gaanong mahirapan ang kanilang mga mamimili.

“So, ang mangyayari, para magkaroon kami ng kaunting kita, idadagdag namin sa presyo per kilo which is nahihirapan ‘yong mga mamimili dahil pandemic pa, mahirap pa ‘yong hanapbuhay,” aniya.

Dahil dito ay hinihiling nila sa Pamahalaang Panlungsod na magkaroon ng price watch sa supermarket dahil hirap na hirap na umano silang humabol sa maayos na bentahan na ang kanilang mga bayarin ay hindi naman nababawasan gaya ng gross tax, bayad sa pwesto, ticket at pasweldo sa kanilang mga tauhan.

Aniya, sa isang buwang ganito ang sitwasyon, may mga araw pa umanong ang kinikita nila ay nasa mahigit P200 o P300 lamang.

“Paano po ‘pag hindi namin napaubos? Negative na kami [sa kita]. Kaya doon na nangyayari na nagkakaroon kami ng mga utang dahil sa presyong mataas na hindi rin namin maipasa ng todong taas dahil kawawa ‘yong mga mamimili,” pahayag pa niya.

Ikinuwento ni Macabuhay na mula P155 kada kilo noon na nakukuha nilang presyo ng inaangkat nilang karne ng baboy mula sa kanilang mga supplier, naging P170 na ito at makalipas ang dalawa o tatlong araw ay naging P180 na hanggang sa kasalukuyan. Ang masakit pa umano ay hindi naman lahat ay pwede nilang taasan dahil depende rin ito sa parte ng karne.

“Sa P180 per kilo, magkano na lang po sa amin? Kasi hindi naman po lahat mapepresyuhan namin ng P230 kada kilo kasi ‘yong mga buto-buto, pata, babagsak ‘yan. Minsan nga po, kung P180, babagsak ng P170, so, negative kami ng P10. Paano po namin ia-adjust? ‘Yon po ang problema namin,” aniya.

Ibinunyag niyang simulang tumaas ng presyo ng nasabing karne nang iniluluwas na palabas ng Palawan ang mga baboy mula rito.

“Kaya hanggang ngayon, [ang] nagsa-suffer…kami,” himutok niya. Sa ilang nakausap ng Palawan Daily News team, ganito rin ang kanilang saloobin.

Maliban sa pagluwas ng karne ng baboy sa labas ng Palawan, isa rin umano sa posibleng dahilan ng kakulangan ng supply kaya mataas ang presyo buhat sa mga supplier ay iilan na lamang ang nag-aalaga ng baboy sa ngayon.

Himutok pa ni Gng. Macabuhay, may ilan pang new player sa Bagong Palengke ng siyudad na nagbebenta ng sobrang mura kaya apektado silang kumukuha lamang sa kanilang mga supplier.

“Ang request namin [sa City Government], magkaroon sana ng imbestigasyon sa mga manininda rito na kung pwedeng gawing uniform ‘yong price namin….Kasi ang sagot ng iba, ‘Sariling byahe naman namin ‘to at kahit magbaba s ng presyo, okay lang.’ Paano naman kaming nagde-dressed meat lang sa suppliers? Paano namin hahabulin ‘yong kita? Kasi kahit naman sariling baboy mo, may mga expenses ka pa ring ilalabas, halos ganoon din pa rin ang presyo, P180 rin,” ang paglabas pa niya ng hinaing, sampu ng kanyang mga kasamang meat vendor.

Dagdag pa niya, ang ibang vendor, na sa kasalukuyan sila ay nasa 18-20 katao, ay ginagawang P200 hanggang P220 kada kilo ang ibinibentang karne ng Baboy kaya silang maliliit na manininda ay natitirhan ng maraming paninda.

“Sana mabigyan kami ng pansin, na matulungan, imbestigahan talaga kami, interbyuhin, alamin’yong hinaing namin. At sana mabigyan kami ng tulong, hindi na tama lang na mainterbyuhin, tama lang na may imbestigasyon; dapat sana po may resulta na tulong,” panawagan pa niya sa mga lider ng siyudad.

Kaugnay pa sa taunang gross tax na binabayaran nila, panawagan pa ni Gng. Lea na matulungan silang mabawasan man lamang ang binabayaran nilang nasabing buwis.

“Tapos ‘yong hinaing namin ‘yong gross tax yearly na ganoon kalaki kung pwede sanang mapag-aralan ng City, ng Treasurer’s office kung paano kami matutulungan dahil lahat kami lubog na rin sa utang dahil sa pagbabayad ng buwis.

“Kino-compute nila ‘yong aming income ng tininda, ‘yong gross, ibig sabihin, kung ilang baboy ang ipinasok namin sa Slaughter House. From the Slaughter House, diretso ‘yan sa City Treasurer’s Office [ang data], ko-compute-tin nila kung ilang kilo ng baboy ang ipinakatay mo. Let say, 50 kilos, ‘yong 50 kilos na ‘yan, hindi mo naman lahat naibebenta ‘yan pero ang lahat ng timbang na ‘yan, babayaran mo [bilang buwis],” aniya.

Nang tanungin naman kung inilapit na ba nila ang kanilang hinaing sa kanilang asosasyon, ani Macabuhay suhestyon niya na kumilos na lamang sila ng hiwalay.

“Mag-i-initiate na lang akong susulat sa City Council…para mailapit namin ‘yong hinaing namin, para mapag-usapan sa Sanggunian kung ano ang pwedeng gawin,” dagdag pa niya.

Exit mobile version