Ilang bahagi nang nasunog na barkong MV June Aster sa Coron, Palawan, ang tuluyan nang napasok at patuloy na sinusuri ng mga awtoridad nitong Lunes, Setyembre 14.
Ayon kay Commodore Noemie Cayabyab, tagapagsalita ng Philippine Coast Guard (PCG), napasok na umano ang bridge, crew accommodation, economy passenger accommodation, at air-conditioned passenger accommodation ng barko matapos itong masunog noong Setyembre 9.
Dahil dito, patuloy ang isinasagawang recovery operations upang makuha ang mga natitirang bagay na maaaring makatulong sa imbestigasyon at matukoy ang pinagmulan ng sunog.
Tinatayang nasa 65 porsyento na umano ng cargo hold ang napasok habang patuloy na sinisikap ng mga awtoridad na mapasok ang natitirang bahagi nito.
Ayon pa sa PCG, simula nitong Sabado, Setyembre 12, ay nagsagawa na ang mga awtoridad ng siphoning operation para alisin ang naipong tubig at langis sa engine room ng barko. Sa ngayon, inilipat na sa mga drum ang nakuhang oily water mixture mula sa engine room para sa tamang disposal.
Magbibigay rin anya ng legal assistance ang PCG para sa mga biktima at pamilya ng mga nasawi kaugnay sa kanilang mga makukuhang benepisyo at iba pang concern mula sa Atienza Interisland Ferries Inc. bunsod ng malagim na insidente.
Samantala, ilang labi naman ng mga biktima ang pansamantalang inilagak sa San Nicholas Cemetery matapos umailalim sa forensic examination.