National curfew para sa mga kabataan, umani ng suporta mula sa mga magulang

Positibo ang pagtanggap ng nakakarami lalong-lalo na sa mga magulang na nakausap ng Palawan Daily News ang panukalang pagpapatupad ng 10:00 P.M. curfew hour sa bansa.

Ito ay katulad din nang pagpapahayag ng suporta ng ilang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) kaugnay nang nakaambang na panukala.

Kaugnay nito, disiplina ang nakikitang magiging bunga sa nakatakdang pagpatutupad ng curfew ng bagong pamunuan ng PNP dahil makatutulong ito sa pagpapababa ng bilang ng krimen sa bansa.

Sakali man aniya na maipatupad na ito sa lalong madaling panahon, aminado ang PNP na hindi lang ang publiko ang kailangang bantayan dito kundi maging sa kanilang hanay din.

Matatandaang sa pag-upo ng bagong hepe ng PNP sa pangunguna ni Police General Rodolfo Azurin Jr., isa sa mga prayoridad ng PNP ay ang kaayusan kung saan ipagbabawal na rito ang pagtambay at pag-iinom sa kanto partikular na ang 10 P.M. curfew sa lahat.

Sa kabila nito, bukas naman ang PNP sa mungkahi at posibleng pagtutol ng ilang human rights activists kung mamasamain ng mga ito ang nasabing panukala.

Sa pagtaya ng PDN, pito sa sampung mga magulang ang sumasang-ayon sa pagpapatupad ng curfew hour sa bansa.

Ayon sa ilang ina na residente ng Alta Homes Subdivision ng Barangay San Jose sa lungsod ng Puerto Princesa, “napakahirap na sa mga panahong ito na gabi na’y nasa labas pa ng mga tahanan ang mga anak natin, marami nang krimen at aksidenteng nangyayari pagsapit ng dilim.”

Sinabi naman ni Mang Roger, isang multicab driver, “hindi katulad noong unang mga panahon pa na magkakakilala ang mga tao sa isang lugar, ngatyon ay halos panay dayuhan na, kaya kailangang mag-ingat sa lahat ng oras, lalo na pagsapit ng gabi.”

Pahayag naman ni Mrs. Arguelles ng Barangay El Vita, Narra, Palawan, “maganda ang mayroong curfew upang minsan pa ay mapa-alalahanan ang mga magulang na kailangang  siguraduhin na ang kanilang mga kabataang anak ay nasa loob ng bahay pagdating ng alas diyes ng gabi.”

Kaugnay sa balitang naturan, isang panukala rin sa Kamara ang isinusulong ngayon ng isang mambabatas na magbabawal sa lahat ng menor de edad, 18 pababa sa paglabas ng bahay sa dis oras ng gabi.

Ito ang isinasaad ng House Bill 1016 na ipinila ni Bagong Henerasyon Party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy , kung saan magsisimula ang curfew hours sa 10:00 P.M. hanggang 5:00 A.M.

“The bill seeks to mandate and strictly implement a set of hours during the night time within which minors are prohibited from remaining outside of the home not only as a means of maintaining public order and safety and preventing the further rise in criminality but also in order to protect minors from the potential threat that may arise in the remote environment which may be harmful or detrimental to their development,” saad ni Herrera-Dy.

Isa sa mga nakatakdang parusa sa panukalang ito ay ang 48-hour community service ng mga magulang ng bata at multa ng hindi bababa sa ₱2,000.00.

Exit mobile version