Binuweltahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilang mga party-list na direktang konektado umano sa makakaliwang grupo sa kanyang Talk to the People sa Davao City kagabi, March 29, 2022.
Ayon sa pangulo, totoo umano na napasok na ng makakaliwang grupo ang kongreso at ilan umano dito ay hawak ng mga malalaking personalidad.
“Totoo yan, nakapasok sila sa congress and no doubt about it. They have used the party list eh alam mo bright kasi yung gumawa nun eh so itong lahat ng mga mayaman lahat ng may mga gusto ng influence sa kanilang whatever negosyo o connection puwede silang lumapit dito sa mga Partylist,” pahayag ni Duterte.
Dagdag pa ng pangulo, legal front ng Communist Party of the Philippines ang ilang party-list at ginagamit lamang umano ang pera ng gobyerno at sinabing tama si NTF-ELCAC spokesperson at Undersecretary Lorraine Badoy na ngayo’y nahaharap sa ilang kaso dahil sa umano’y red-tagging kay Vice President Leni Robredo at sa mga tagasuporta nito.
“But in particular, sabihin ko sa inyo na tama si Lorraine Badoy, na itong mga party list na Kabataan, Anakpawis, Bayan Muna, Alyansa of Concerned Teachers (ACT) at Gabriela. Makita naman ninyo sa behavior nila and the way they expose their advocacy…left, left, left talaga ang drift nila. Ang problema, they are supporting, or they are really parang…legal fronts ng Communist Party of the Philippines,” ayon kay Duterte.
Kahit matapos na umano ang kanyang termino, sinabi ni Pangulong Duterte na patuloy pa rin umano ito sa pambabatikos sa makakaliwang grupo at sinisisi si dating Pangulong Corazon Aquino kung bakit umano nakapasok ang mga party-list na kanyang binanggit.
“Until the end of the day… on my last day, I will continue to criticize and say something about itong mga party list at hindi lang ang left. Ito ay ginagamit ng mga mayaman, lahat ng mga negosyante either binili nila yung party list or nag create sila because they can do it with the money and that has become the problem na sa atin… fractured na tayo… it’s a fractured constitution biro mo who allowed this …itong ganitong party list? It’s the Cory institution actually,” pahayag pa ni Duterte.