Hinarangan ng walong barko ng Tsina ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na BRP Datu Sanday noong Agosto 25, habang ito ay nagsasagawa ng makataong misyon sa Hasa-Hasa at Escoda Shoal.
Layunin ng misyon na maghatid ng diesel, pagkain, at medikal na suplay sa mga mangingisdang Pilipino.
Gumawa ang People’s Liberation Army Navy (PLAN) at China Coast Guard (CCG) ng agresibong hakbang upang pigilan ang operasyon. Ginamit nila ang malalapit na maneuvers, pagbangga, at water cannons na nagdulot ng pagkasira ng makina ng barko ng BFAR, dahilan upang itigil ang misyon nang mas maaga.
Sa kabila ng insidente, nananatiling ligtas ang mga tripulante ng BRP Datu Sanday at pinabulaanan ang mga maling ulat na may mga nahulog sa dagat.
Nanawagan ang pamahalaan ng Pilipinas sa Tsina na itigil ang mga mapanganib na aksyon na nagdudulot ng tensyon sa rehiyon at iginiit ang kanilang karapatan alinsunod sa batas ng UNCLOS at 2016 Arbitral Award.