Limang araw na paghahanap sa nawawalang helicopter, wala pa ring positibong resulta

Photo Credits to PAMAS & Jasper Iturriaga

 

Bigo pa ring mahanap ang limang pasaherong sakay ng medevac Alouette II helicopter na limang araw na ring nawawala matapos lumipad sa Mangsee Island upang magsundo ng pasyente.

Limang araw na ring walang humpay na nagpapatuloy ang ginagawang SAR operation ng mga pinagsanib na teams mula sa PAMAS, PDRRMO, Philippine Air Force (PAF), Philippine Coast Guard (PCG), Balabac LGU, volunteers, at US Embassy.

Bukod sa isang R404 gas tank, isang unan na kumpirmadong gamit ng pasyenteng si Kayrun Sahibad Alpha at isang pares ng sapatos na suot ng American missionary nurse na si Janelle Alder ay wala ng iba pang narekober ang mga rescue teams kamakailan.

Dalawang expert diving teams na rin ang naka-antabay upang sisirin ang nasa tinatayang 300ft ang lalim na karagatan kung saan huling na-detect ang GPS signal galing kay Captain Daniel Lui mula sa helicopter na tinatawag na Yellow Bee.

Ngunit, bago ito sisirin ay kinakailangan munang mag-hintay ng go signal mula sa surveillance plane na ipinadala ng US Embassy kamakailan.

Ang nasabing surveillance plane ayon sa PAMAS ay mayroong thermal imaging system at Sonar Technology na inaasahang magiging malaking tulong upang ma-detect ang lokasyon ng nawawalang helicopter.

Ayon sa PAMAS, sa tulong ng mga dasal at donasyon ay nasuyod na ng lima nilang aircraft ang nasa tinatayang 5,000 square miles o humigit-kumulang 13,000 kilometrong lapad ng karagatan ng Balabac at hilagang parte ng karagatan ng Malaysia.

Dumating na rin ilang araw pa lang ang nakararaan ang Sokol helicopter ng Philippine Air Force (PAF). Ito ay mananatili sa PAMAS base sa Brooke’s Point para mas tumulong na mas mapabilis ang koordinasyon ng lahat ng rescue teams.

Nagpapatuloy sa ika-anim na araw ngayong Lunes, Marso 6, ang ginagawang SAR operation.

Exit mobile version