PAMAS, kinumpirma ang regular maintenance sa ‘Yellow Bee,’ huling inspeksiyon at metal fatigue test, hindi tinukoy

Photo Credist to Daniel Lui FB page

 

Kinumpirma ng direktor ng Philippine Adventist Medical Aviation Services (PAMAS) na si Wendy Harris na mayroong regular na maintenance ang Yellow Bee ngunit hindi nito natukoy kung kailan nila huling isinailalim sa inspeksyon at metal fatigue test ang nawawalang medevac helicopter nang tanungin ito ng Palawan Daily.

Ang regular inspection at metal fatigue testing ay mga pangunahing requirements na marapat na regular na ginagawa sa bawat aircraft, pribado man ito o pang-komersiyal.

Ayon kay Alex Deva, helicopter pilot at software manager ng isang aviation website sa Sweden, sa pamamagitan ng mga nabanggit na proseso ay malalaman kung ligtas pa bang gamitin ang isang aircraft. Anya, ang regular metal fatigue testing ay ginagawa upang malaman ng mga mekaniko ng isang aircraft maging ang mga “microscopic” damages nito at agaran itong mari-repair upang hindi magdulot ng structural damage balang araw dala ng edad o katandaan ng isang aircraft.

“An aircraft begins to age right after its first flight. The metal fatigue test, which is supposed to be regularly done, will detect even microscopic cracks or damages. It lessens the chance of risk,” ani Deva.

Bagaman hindi sinagot ni Harris kung kailan huling dumaan sa inspeksiyon at metal fatigue test ang nawawalang Yellow Bee, sinabi nito sa Palawan Daily na regular na mini-maintain ng kanilang mga mekaniko ang kanilang bawat PAMAS aircraft.

Nang tanungin ng Palawan Daily kung sino ang partikular na responsable sa pagmi-maintain sa Yellow Bee, sinabi ni Harris na bukod sa nawawalang piloto na si Daniel Lui ay may isa pa umano silang volunteer mechanic sa PAMAS Base sa Brooke’s Point.

Hindi naman nito kinumpirma kung parehong licensed mechanic ang dalawa. Ayon kay Harris, si Lui ay mayroong lisensya bilang isang helicopter pilot at mayroong current type rating upang magdala ng isang Alouette II helicopter. Anya, “airworthy” rin umano ang naturang helicopter kaya ito patuloy na ginagamit ng PAMAS.

Dagdag niya, wala rin umanong nareport na technical issues ang mga ito bago mawala ang sinasabing medevac helicopter.

Ayon naman sa impormasyong nakapaskil sa website ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), ang mga foreign-registered aircraft kagaya ng Yellow Bee ay pinapayagan umanong gamitin sa bansa subalit nangangailangan ito ng isang Validation of Air Operator Certificate na ibinibigay ng ahensya upang magamit ang isang aircraft sa commercial air transport.

Ayon pa rin sa CAAP, kahit foreign-registered ang isang aircraft sa Pilipinas ay nararapat na sinisiguro nito ang regular na mga inspections, tests at maintenance na kinakailangan upang masabing “airworthy” pa ring gamitin ang isang aircraft, at taglay nito ang kinakailangang navigation equipment sa bawat paglipad upang masigurong ligtas ang mga sakay nito. Ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng direktibo ng Philippine Civil Aviation Rules (PCAR).

Ang Alouette II na Yellow Bee ay kasalukuyang rehistrado sa pangalan ng Gospel Ministries International Inc. sa Estados Unidos. Ito ay mayroong valid certificate mula sa Federal Aviation Agency (FAA) na inisyu noong Oktubre 3, 2019at mag-eexpire sa Oktubre 10, 2029 na nakarehistro sa kategoryang Airbus Transport ayon sa FAA Registry. Ito ay na-manufacture o ginawa taong 1959.

Sa report na nakuha ng Palawan Daily sa FAA Registry, ipinapakitang wala ng iba pang detalye sa kung sino ang mga naunang may-ari ng nasabing helicopter bukod sa Gospel Minstries International Inc. na siya ring nagpapatakbo ng PAMAS.

Exit mobile version