Patay ang isang mangingisda matapos barilin ganap na alas-4:30 ng hapon kahapon, November 8, 2019 sa Bgy Luzviminda, Puerto Princesa City.
Nakilala ang biktima na si Bobby Molina Moreno, 45, may asawa, residente ng Purok Kapalaran, Bgy. Luzviminda, Puerto Princesa City habang ang suspek ay nakilalang si Glenn Morente Ibarra, may live-in partner, 47, operation and maintenance technician ng Napocor, at nakatira sa Purok Kaunlaran, Puerto Princesa City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Puerto Princesa City Police Office Station 2, bago naganap ang pagpatay ay umiinom sa isang kubo malapit sa dalampasigan ang suspek kasama ang mag-amang sina Ricardo Baculinao at Reynaldo Baculinao.
Galing umano sa pangingisda ang biktima nang mapadaan sa lugar sakay ng kaniyang bangka kaya nang makita ni Ricardo ay tinawag niya ito para bumili ng isda.
Pagkatapos ihatid ang isda ay aalis na sana ang biktima ng biglang barilin siya ng suspek ng tatlong beses sa kaniyang katawan na naging sanhin ng kaniyang kamatayan.
Samantala, sinabi naman sa Palawan Daily News ni Reynaldo Baculinao na nagulat siya sa pangyayari dahil maayos naman umano ang paguusap ng dalawa bago mangyari ang insidente.
Wala rin umano silang alam kung may dating alitan ang dalawa.
Pero habang sila’y nag-iinuman ay may nabanggit ang suspek na problema niya sa kaniyang mga kapatid.
Matapos ang pangyayari siya na rin umano ang tumawag ng pulis na siyang naging dahilan ng agarang pagkaaresto nito.
Narekober naman ng mga pulis ang baril na ginamit sa krimen na isang 9mm pistol Shooters Trooper na may serial number T907182591, isang magasin na may lamang siyam na bala at apat na bala na nakalagay sa kaniyang pouch.
Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek at nakatakdang isailalim sa paraffin test habang ang biktima ay isasailalim sa post mortem examination.