Tatlong lalaki, nahuli sa ilegal na tupada sa San Vicente

Arestado ang tatlong lalaki ng mga awtoridad
noong 21 ng Hulyo, bandang 5:10 ng hapon sa Barangay Binga, San Vicente, Palawan.

Ang mga nahuling lumabag ay sina, alyas Fausto at dalawa pang iba, lahat ay nasa legal na edad at residente ng Brgy. Binga na hindi na pinangalanan ng PNP.

Ayon sa ulat ng Palawan Police Provincial Office, bandang 4:00 ng hapon, nakatanggap ang mga tauhan ng San Vicente Municipal Police Station ng impormasyon na may nagaganap na ilegal na pagsusugal (Tupada) sa Brgy. Binga, San Vicente, Palawan.

Agad na ipinadala ang team na pinangunahan ng San Vicente MPS, kasama ang mga tauhan ng Provincial Intellegence Unit, Palawan PPO, 2nd PPMFC, at 2nd SOU-MG sa nasabing lugar upang beripikahin ang ulat.

Pagdating ng team sa lugar, nakita nila ang isang grupo ng mga tao na nagtitipon habang nagsasagawa ng iligal na sabong/tupada. Nilapitan ng mga rumespondeng pulis ang grupo at nagpakilala bilang mga pulis kung saan nagsialisan ang karamihan ngunit nahuli ang mga nabanggit na lumabag.

Nakumpiska mula sa lugar ng insidente ang mga sumusunod na ebidensya: Pera ng pustahan na nagkakahalaga ng Php 1,770.00 na iba’t ibang denominasyon; Dalawang (2) ulo ng patay na panabong na manok at tatlong ulo ng buhay na panabong na manok; walong piraso ng tari at iba’t ibang gamit sa sabong.

Ang mga nahuling lumabag ay naipaalam ang kanilang mga karapatang konstitusyonal at kasalukuyang nasa kustodiya ng San Vicente MPS para sa karagdagang imbestigasyon at tamang disposisyon na maharap sa kasong paglabag sa P.D 1602 (Iligal na Pagsusugal/Tupada) sa Brgy. Binga, San Vicente, Palawan.
Exit mobile version