Kinumpirma ni Taytay Mayor Romy Salvame na isinailalim sa Extreme Enhanced Community Quarantine ang Barangay Paly sa kanilang bayan.
Kasunod ito ng impormasyong kanilang natatanggap na may ilang mga mangingisda doon ang pumupuslit at nakikipagsapalaran na ibenta ang mga nahuhuli nilang isda sa Batangas.
“May bumibiyahe ng Batangas na bangka na for precautionary measures lang naman na ang Batangas ay may COVID case. So, for precautionary e nag kuwan tayo kasi sige-sige silang biyahe e hindi natin alam ay sabi nagka-quarantine para sigurado kasi maraming nagre-react na mga kababayan natin doon kaya napilitan tayong i-Extreme ECQ,” paliwanag ni Salvame sa interview ng Palawan Daily.
Base sa inilabas na kautusan ng alkalde, mula April 18 hanggang April 30 ang pagsasailalim sa Barangay Paly sa Extreme Enhanced Community Quarantine kung saan walang papayagang lumabas o pumasok sa nasabing barangay.
Ibinaba din sa ala-singko ng hapon ang pagsisimula ng curfew habang ang mga talipapa, grocery, sari-sari store at iba pang negosyo na pinahintulutang mag-operate base sa kautusan ng nasyunal na pamahalaan ay dapat sarado na pagpatak ng alas-kwatro ng hapon.
Tanging ang barangay officials, medical at health personnel at iba pang frontliners lamang ang pinapayangang makalabas ng barangay pero dapat may official travel order na dala ang mga ito at hindi pang personal lamang.
Sinabi pa ni Salvame na tuloy parin ang pangingisda sa Barangay Paly pero sila ay mahigpit na imo-monitor ng mga opisyales ng barangay.
Nakipag-ugnayan narin anya sila sa Philippine Coast Guard at DILG para sa iba pang dapat gawin kasunod ng inilabas nitong kautusan.
“Malayo ang Paly sa Poblacion nasa dalawang oras pero siyempre imo-monitor sila ng barangay at ang Coast Guard naman ay siguradong may gagawin ‘yan. May coordination letter na kami sa kanila [PCG] at sa DILG,” ani Salvame.
Samantala, umaapela din ang alkalde sa kanyang nasasakupan lalo na sa mga residente ng Barangay Paly na sumunod na lamang sa kautusan at ipinatutupad ng gobyerno.
“Sundin natin kung ano ang sinasabi ng ating national government, ng ating president, ng DILG na stay at home, wear mask at sana huwag na muna tayong pumunta doon sa area na alam nating may mga COVID positive para nang sa ganun ay makasigurado tayo na kung tayo lang dito sa Taytay ay baka malaki ang porsiyento na walang tatamaan sa atin,” pakiusap ng alkalde sa kanyang mga kababayan.