Kinumpirma ni Col. Jimmy D. Larida PN(M)(GSC) ang nangyaring magkakasunod na engkwentro sa pagitan ng mga Marines na nagsasagawa ng Community Support Program (CSP) at ng Komunista/Teroristang grupong NPA sa Brgy. Nicanor Zabala, Roxas, Palawan noong Hulyo 12 at 13 taong kasalukuyan.
Ang ikalawang engkwentro na naganap noong ika-13 ng Hulyo ay nag-ugat sa pagtanim ng IED ng kalaban sa tanging daanan ng tropang Marines na pabalik na sana sa kampo matapos magsagawa ng CSP sa nasabing barangay.
Ayon kay Col. Larida ang ginawa ng NPA ay isang desperadong hakbang upang makaiwas sa puwersa ng militar ngunit maaaring makapinsala sa mga katutubo kung sila ang naunang dumaan sa lugar.
“Alam nila na ang lugar ay daanan din ng mga katutubo, pero para makamit lang ang masamang balak sa mga tropa ng pamahalaan ay handa sila maski pa ang mapapahamak ay mga sibilyan. Paano kung ang mga dumaan ay mga inosenteng sibilyan o mga katutubo? Malamang sila ang napahamak o nasaktan,” pahayag ni Larida.
Dagdag pa nito, pinatunayan lang ng komunistang grupo na karapat-dapat silang tawaging terorista dahil sa marahas at traydor nilang hakbang. Bagama’t may IED, bahagya lamang ang naging pinsala nito sa tropa ng mga Marino na dinaplisan lang ng shrapnel.
Ang mahalaga umano ay alam na ng mga residente sa Roxas kung ano ang kasamaan ng mga rebelde na walang maidudulot na maganda sa kanilang buhay.
Sinagot din ni Col. Larida ang mga ibinabatong isyu ng teroristang grupo tungkol sa krisis dulot ng COVID-19, sa panghihimasok ng China sa West Philippine Sea (WPS), at sa umano’y pagiging inutil ng AFP sa pagbibigay ng serbisyo at ayuda sa mga mamamayang Palaweño.
Ang Joint Task Force-Peacock (JTF-P) na binubuo ng mga units ng 3rd Marine Brigade, MBLT-3, MBLT-4, at iba pa ay naatasang tugunan ang seguridad ng mamamayan laban sa mga banta sa kapayapaan sa Palawan na isang mahalagang aspeto tungo sa pag-unlad ng probinsya.
“Wala ring katotohanan na ang military ay naghahabol sa pondo ng PTF-ELCAC dahil hindi ito dumadaan sa kahit sinong myembro ng AFP. Ito ay pinamamahalaan ng Local Chief Executives. Ang pondo na ito ng PTF-ELCAC ay nakalaan sa mga inirekomendang proyekto at programa ng AFP para sa mga mamamayan ng Palawan, lalung-lalo na doon sa mga nakatira sa mga lugar na sapilitang iniimpluwensyahan ng teroristang grupo,” ayon kay Col. Larida.
Hindi nalustay ang pondo ng PTF-ELCAC dahil sa pagkakataong ito ay kakaunti na lamang ang mga mamamayan na hindi pa naaabot ng pamahalaan sa pamamagitan ng isinasagawang CSP ng AFP.
“Nahihirapan na ang teroristang grupong NPA sa kabundukan dahil halos lahat na ng lugar na kanilang pinupuntahan ay may mga mamamayan na nagsusumbong sa militar ng kanilang presensya. Ito ay patunay lamang na wala nang tiwala at naniniwala sa kanilang ipinaglalaban kaya marapat lamang na sila ay bumaba na sa kabundukan,” aniya.
“Paulit-ulit kong hinihikayat na sumuko na sila sa pamahalaan at magbagong buhay ang mga natitira pang myembro ng NPA. Talikuran na nila ang armadong pakikibaka dahil may pag-asa pang naghihintay sa kanila sa pamamagitan ng PTF-ELCAC. Huwag na nilang hintayin na humantong pang muli sa madugong engkwentro gaya ng nangyari sa kanilang mga kasamahan noong ika-3 ng Setyembre 2020 sa Brooke’s Point at ika-9 ng Abril 2021 sa Brgy Concepcion, Puerto Princesa City ,” dagdag pa nito.