Kinondena ng San Lorenzo Ruiz Parish sa Barangay Caramay ang pagpatay kay Jemarie Mesajon, isang 19-taong-gulang na first year college student at aktibong miyembro ng simbahan, na pinaslang sa Barangay Salvacion noong Mayo 23.
Si Mesajon ay kasapi ng Munting Sambayanang Kristiyano ng Our Lady of Perpetual Help sa Maycawayan, KrisKa 3, at matagal nang nagsisilbi bilang lector mula pa noong 2017. Ayon sa parokya, kilala siya bilang isang mabait na bata at mapagmahal na anak ni Merlina Mesajon.
Mariing ipinahayag ng simbahan ang dalamhati at pagkabigla sa sinapit ng dalaga, kasabay ng panawagan sa mga awtoridad na tugisin ang nasa likod ng krimen at tiyaking mananagot ang responsable.
Nakikiisa rin ang buong parokya, kabilang ang 25 Munting Sambayanang Kristiyano, sa pagdadalamhati ng pamilya ni Mesajon. Sa gitna ng panawagan para sa hustisya, idiniin ng simbahan ang kawalang-katarungan ng karahasang ito na pumunit sa buhay ng isang kabataang may pangarap at pananampalataya.














