Magkakaroon na nang maayos at sapat na suplay ng kuryente ang mga liblib na kabahayan sa Barangay Caruray, San Vicente, at Sitio Cadawan, Barangay Taburi, Dr. Jose P. Rizal, Palawan, matapos isagawa ang magkakasunod na groundbreaking at capsule laying ng renewable energy na Hybrid Microgrid Power Plant noong Marso 20-21.
Ang naturang proyekto ay inisyatibo ng Department of Energy (DOE), katuwang ang Electric Cooperatives (ECs) na siyang nagsumite ng listahan ng mga lugar sa bansa na nangangailangang mapailawan.
Pinangangasiwaan ang implementasyon ng pribadong kumpanya na Maharlika Clean Power Holdings Corporation kasama ang WEnergy Power Change, at Archipelogo Renewables Corporation (ARC II). Naisakatuparan din ito sa tulong ng iba’t ibang ahensya at institusyon, kabilang na ang Energy Regulatory Commission (ERC), National Power Corporation (NPC), Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan, Pamahalaang Bayan ng San Vicente at Rizal, at Palawan Electric Cooperative (PALECO).
Sa ilalim ng proyektong ito, itatayo sa mga nabanggit na lugar ang 365 kWh solar panels, mga bateryang may kapasidad na mahigit 411 kWh para sa energy storage, 168 kWh diesel generator na gagamitin bilang ikalawang pinagkukunan ng enerhiya, at 15 kilometrong linya ng kuryente upang maihatid ang suplay sa mga kabahayang magpapakabit.
Tinatayang aabot sa mahigit ₱90 milyon ang halaga ng itatayong solar power plant sa Barangay Caruray, habang humigit-kumulang ₱70 milyon naman ang ilalaan para sa Barangay Taburi. Inaasahang matatapos ang konstruksyon sa loob ng pito hanggang walong buwan.
Ayon kay WEnergy Global President Atem Ramsundersingh, layunin ng kanilang kumpanya na mabigyan ng sapat na suplay ng kuryente ang mga lugar sa Pilipinas, kabilang ang Palawan, na hindi naaabot ng mga kasalukuyang linya mula sa mga pangunahing power provider. Aniya, makatutulong din ang proyekto sa pagpapalakas ng turismo at maka-akit ng mga mamumuhunan sa lugar.
Dagdag pa niya, inaasahan ding makatutulong ito sa pag-angat ng antas ng pamumuhay at edukasyon ng mga mag-aaral sa lugar. Bago pa man ang konstruksyon, marami na umano ang nagpahayag ng interes na magpakabit ng linya ng kuryente mula sa nasabing proyekto.
Sa kasalukuyan, may 24 na hybrid microgrid projects na planong itayo sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kung saan 20 dito ay nakatakdang itayo sa norte at sur ng lalawigan ng Palawan.