Provincial health office, pinaigting ang kampanya kontra dengue sa Palawan

Patuloy na tinututukan ng Provincial Health Office (PHO) ng Palawan ang pagtaas ng mga kaso ng dengue sa lalawigan, katuwang ang Department of Health (DOH). Sa datos ng PHO, may bahagyang pagtaas ng kaso ng dengue sa munisipyo ng Narra simula noong Enero 2024.

Upang labanan ang pagkalat ng dengue, mas pinaigting ang misting operations sa mga apektadong lugar at isinagawa ang house-to-house Information, Education, and Communication (IEC) Campaign upang ituro ang 5S strategy laban sa dengue: Search and destroy, Seek early consultation, Secure self-protection, Sustain vector control measures, at Sustain hydration.

Bukod dito, patuloy ang koordinasyon ng PHO sa mga lokal na pamahalaan upang suriin ang mga programa kontra-dengue at magbigay ng kinakailangang suporta. Namahagi sila ng mga Vector-Borne Disease Commodities tulad ng insecticide para sa misting machine, larvicide, Oral Rehydration Salts (ORS), bitamina, Insecticidal Treated Nets (ITS), NS1 Dengue test kits, at IEC materials.

Ang dengue ay isang sakit na dulot ng virus na dala ng babaeng lamok na Aedes aegypti at Aedes albopictus, na nagdudulot ng mataas na lagnat, pananakit ng kasu-kasuan, at iba pang sintomas.

Sa pamamagitan ng pinaigting na kampanya ng PHO, inaasahang mababawasan ang mga kaso ng dengue at mas mapapabuti ang kalusugan ng mga mamamayan sa Palawan.

Exit mobile version