DTI, maglulunsad ng mga bagong produkto sa Mimaropa Naturally

Nagbabalik ang Mimaropa Naturally. Inihayag ni Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez na ang mga lokal na negosyante at mga kooperatibang kasama sa Mimaropa Naturally Agr-Trade and Tourism Fair ay natulungan ng Department of Trade and Industry at iba pang mga ahensiya ng pamahalaan kasama ang mga local government unit. (LP/PIA-Mimaropa)

Hinihikayat ng Department of Trade and Industry ang publiko na bisitahin ang  Mimaropa Naturally Agri-Trade and Tourism Fair sa SM Megamall na magsisimula bukas, ika-17 ng Oktubre.

“Siguradong marami kayong mabibili doon. Magaganda na po ang mga produkto natin sa tulong ng iba’t ibang ahensiya at ng Department of Trade and Industry,” ayon kay Trade and Industry Secretary Ramon M. Lopez .

Bukod sa mayamang samut-saring buhay (biodiversity), kultura at kasaysayan, kilala ang rehiyon Mimaropa  sa palay, saging, kalamansi, kasuy, marmol, furniture at iba pang tradisyunal na produkto.

Para naman kay DTI –Mimaropa Regional Director Joel Valera, maraming ilulunsad na mga bagong produkto na gawa sa pulot-pukyutan (honey), kasuy, kalamansi at isda.

Mayroon din makikitang produkto na gawang katutubo sa trade fair.

“Marami tayong ididisplay na gawa ng mga IPs (Indigenous peoples o katutubo) na mga bags at baskets.  Alam mo yung mga Tagbanua, gumagawa ng mga bags, nagsusuplay na sila sa Rustan’s, hindi dahil IPs sila kundi sa ganda ng produkto.  Ang mga IPs mahilig maghabi,”sabi ni Director Valera.

Makikinabang ang mga katutubong kumunidad sa Tara, Buenavista at Malawig ng Coron, Palawan sa bawat handicraft na mabibili sa Mimaropa Naturally.

Ang Mimaropa Naturally Agri-Trade and Tourism Fair ay magtatapos sa Linggo, Ika-21 ng Oktubre. (LP/PIA-MIMAROPA)

Exit mobile version