Sugatan na isinugod sa pagamutan sa Southern District Hospital sa Barangay Odiong, Roxas, Oriental Mindoro ang isang mangingisda matapos barilin ng hindi pa natutukoy na mga suspek.
Kinilala ang biktima na si Rafael Francisco Simbag, 61 anyos, mangingisda at residente sa Sitio Niyogan, Barangay Cayawan, Bongabong, Oriental Mindoro.
Ayon sa ulat ng Police Regional Office, ganap na 6:00 ng gabi ika-14 ng Pebrero nang maganap ang insidente. Ganap na 12:30 ng hating gabi, ika-15 nang maireport sa kanila ang pamamaril. Agad na nagsagawa ng imbestigasyon ang pulisya at ayon sa biktima habang nanunuod siya ng TV sa loob ng kanyang bahay, narinig niya na may nagsalita na “Mangingilaw Sana kami sa fishpond mo“.
At lumabas ang biktima at bigla siyang inundayan ng saksak sa leeg. Nag-agawan sa kutsilyo ang biktima at ang suspek ngunit binaril naman siya ng isa pang suspek sa kaliwang hita.
Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang dalawang suspek sakay ng motorsiklo na hindi nakilala ng biktima.
Ipinag-utos na ni Police Brigadier General Sidney Sultan Hernia, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, sa hepe ng Bongabong MPS na agad resulbahin ang kaso at mahuli na agad ang mga suspek sa krimen. Inaalam na rin ang motibo ng mga ito sa pagsugod sa biktima.