Mas mataas ang bilang ng mga naitalang insidente ng sunog sa Palawan sa buwan ng Enero at Pebrero ngayong 2019, kumpara noong nakaraang taon.
Base sa report na inilabas ng Bureau of Fire Protection (BFP), nasa 53 na sunog na ang naitalang nangyari sa Palawan sa unang dalawang buwan pa lamang ngayong taon, mas mataas kumpara sa naitalang 24 fire incidents noong Enero at Pebrero ng 2018.
Sa pahayag ni BFP City Fire Marshall Chief Inspector Nilo Caabay, na s’yang kumatawan kay Provincial Fire Marshall Supt. Catalino Ramos, sa kapihan na pinasinayaan ng Philippine Information Agency (PIA) noong Huwebes, Marso 7, nangungunang sanhi umano ng sunog ay faulty electrical wirings.
Bagamat kulang sa tauhan at mga kagamitan ang BFP ay sinigurado naman ni Caabay na lagi silang nakahanda sa pagresponde sakaling may sunog.
“Pinipilit natin matugunan yung mga pangangailangan although lacking tayo sa personnel pinapalakas naman natin yung pag organize ng “Organized Fire Brigade” sa bawat barangay. actually ngayon before the end of this march mayroon na kaming 15 barangays, urban barangays, subject for firefighting trainings, sila yung mga nakakatulong natin kapag may emergency sa kanilang mga lugar,”ani Caabay.
Sa pagpasok ngayon ng panahon ng tag-init ay mas malaking hamon umano ang pagresponde lalo pa at nagkakaroon ng kakulangan sa supply ng tubig. Kaya naman hinihingi ni Caabay ang pakikipagtulungan ng mamamayan na kung maaari ay itawag kaagad sa kanilang tanggapan sakaling may pangyayaring sunog upang kaagad itong marespondehan at hindi na lumaki pa ang apoy.
“Kapag mayroong sunog kung maitawag kaagad nila upon commencement ng fire incident within 5 to 7 minutes within city proper kaya namin silang abutin. Ang problema lang kung bakit nagiging mabagal ang fire kasi hindi napiperform ng community yung kanilang responsibility.Sana kapag nagresponde tayo sana sa unang takbo ng operation maapula kaagad kasi kapag hindi sya naapula at naubusan na ng tubig mawawala tayo ng 15 to 30 minutes, travel distance plus yung time ng pagrerefill at every 30 seconds nagmumultiply ang apoy,”paliwanag niya.
Sumusunod din umano ang kanilang tanggapan sa three-ring policy, kung saan maximum ng tatlong tawag ay kailangan masagot ang telepono dahil lahat ng pumapasok na tawag sa kanilang opisina ay kinokonsiderang emergency.
“Kung matatandaan po natin Robinsons Caltex nasunog na hindi pa namin alam, then ang comment ang lapit lang sa fire nyan ah bakit hindi pa nila narirespondehan. Again yung information po, yung alarm natatanggap natin through telephone kapag hindi alam ang telepono walk in, personal po tayong pupunta sa opisina para magreport,” aniya.
Nabanggit din niya ang bagong programa ng pamahalaan na “Oplan Ligtas Pamayanan” na pasisimulan ngayon ding buwan ng Marso para sa pag papaigting pa ng awareness campaign ng BFP.
“Sa programang ito monthly inoobliga na kami na magkaroon ng pre-fire planning, puntahan ang bawat barangay, alamin kung ano yung capability ng barangay nila in-terms of personnel, alamin kung ano yung availability ng water source nila, alamin kung yung accessibility ng lugar nila ay abot ba ng ating fire trucks, kung magka-emergency ilang hose ba yung pwede nating magamit, ilan ba yung naoorganize nating brigade d’yan,” ani Caabay.
Dagdag pa niya, “hindi lang dapat sa buwan ng Marso mag-iingat kundi maging sa araw-araw at ang kaligtasan po n gating ariarian ay magsisimula sa loob n gating tahanan hindi sa BFP, ang BFP andyan lang para tumulong kung matawagan, ulitin natin ah kung matawagan hindi yan automatic dadating sa atin, kung hindi po nainform ang office directly wala tayong tulong na mararamdaman.