Angat ang ganda at talino ng mga Palaweña sa katatapos na MIMAROPA Festival 2018.
Iniuwi ng Palaweňang si Bb. Reyna Michelle Ruhen ang korona bilang bagong Binibining MIMAROPA sa ginanap na Ginoo at Binibining MIMAROPA 2018 noong ika-16 ng Nobyembre sa Mamburao, Occidental Mindoro.
Nakatunggali ni Ruhen, edad 18, ang iba pang naggagandahang mga binibini mula sa Oriental at Occidental Mindoro, Romblon, Puerto Princesa City at Calapan City.
Tinanghal naman bilang Ginoong MIMAROPA 2018 2nd Runner-Up ang kapareha nitong si Jaymark Palustre.
Napagwagian din ng dalawa ang best in festival dance. Nasungkit din ni Ruhen ang mga minor awards tulad ng best in swimwear at best in formal attire.
Ang pambato ng Occidental Mindoro na si Janvert Rodriguez ang nakasungkit ng titulong Ginoong MIMAROPA 2018.
Sa kasalukuyan ay hawak ni Ruhen ang titulong Mutya ng Palawan 2018. Siya ay nagmula sa bayan ng Aborlan, Palawan.
Ang MIMAROPA Festival ay taunang patimpalak na isinasagawa upang maipakilala ang mga natatanging produkto, kultura at turismo ng bawat lalawigan at lungsod sa rehiyon. Ito ay sinimulan noong taong 2015.
Tampok din sa taunang gawain ang agri-trade and tourism fair at ang grand street parade at street dance competition. (P.R)