Citinickel Mines, walang ibinayad at dapat bayaran dahil exempted sa local taxes

Nanindigan ang Citinickel Mines and Development Corporation na wala silang dapat bayaran na buwis sa lokal na pamahalaan ng Narra partikular na ang P94 million na patuloy na sinisingil ng administrasyon ni Mayor Gerandy Danao.

Paliwang ni Pamela Miguel, ang Admin Manager at tagapagsalita ng CMDC, wala silang ibinayad at wala silang dapat bayaran dahil ang Citinickel ay kabilang sa listahan ng mga Board of Investment registered companies.

Ibig anyang sabihin, ang kanilang kompanya ay exempted sa local taxes na isa sa mga pribilehiyong ibinibigay ng nasyunal na pamahalaan sa malalaking investors sa bansa.

“Wala po kaming ibinayad na P94 million na kanila pong sinisingil, panahon po ni Mayora Demaala. At ngayon din po, panahon po ni Mayor Danao, sinisingil parin po nila ‘yang P94 million na ‘yan simula po nung September 2019 ay pinu-pursue po ‘yan ni Mayor Danao sa aming… sa management ng Citinickel,” paglilinaw ni Miguel.

“At kung ano man po ‘yung stand namin simula nung 2015 hanggang ngayon, ‘yun pa din po Sir. Ngayon nga po ay dahil kami po  ay isang… ang Citinickel po ay isang BOI registered na kompanya o enterprise, kami po ay exempted sa local taxation na iyon,” dagdag ng opisyal ng CMDC.

Matatandaan na muling lumutang ang usapin matapos mabanggit ni Mayor Danao sa ipinatawag nitong press conference nitong mga nakaraang linggo ang halagang sinisingil ng dating administrasyon ng Narra na hanggang sa ngayon ay hindi pa umano nababayaran o hindi nai-turn over sa kanya, bagay na lumabas din sa isang balita.

Pero ayon sa tagapagsalita ng Citinickel, matagal na nilang ipinapaliwanag ang bagay na ito maging sa kasalukuyang alkalde ng Narra.

Dagdag pa ni Miguel na nakakalungkot lang dahil hindi naman talaga ito ang isyu ngayon pero nadadawit ang kanilang kompanya sa mga nangyayari ngayon sa mga lokal na opisyales ng nasabing bayan.

“Kami po na dito sa Narra para maghanap-buhay, maging partner ng gobyerno para kumita, para magdala ng development dito. Masakit pong isipin na nadadamay kami sa usapin na ito… Unfair po sa amin na maipit kami sa ganitong mga usapin… We are supposed to be beyond politics, hindi kami kakatig sa kanino man, doon lang kami sa tama, doon lang po kami sa totoo,” ani Miguel ng CMDC.

Samantala, kinumpirma din ni Miguel na may kamag-anak si dating Narra Mayor Lucena Demaala na nagkaroon ng transaksyon sa kanilang kompanya partikular na sa trucking business

Ayon pa sa tagapagsalita ng CMDC, dumaan naman ito sa proseso at ligal ang kanilang transaksyon dahil bukas ito para sa lahat.

“Sa hype ng operations namin, hindi kayang i-cater ng local truckers, open business to everyone… fair and just po. Pinagta-trabahuan nila, kung nagkataong mayroon silang kamag-anak na nag-trucking dito, pinagtrabahuan po ‘yun. Honest po ‘yun and lehitimong transaksyon po ‘yun. Kung sasabihin po na pinapaboran namin si mayora, si ex Mayor Demaala o kami ay pinapaboran n’ya, higly regulated po ang mining industry,” giit ni Miguel.

Apela pa ng mining company sa lahat lalo na sa mga opisyales ng bayan ng Narra, ibalik lang ang isyu kung ano ang isyu ngayon at huwag na sanang idamay pa ang kanilang kompanya na nagmimistulang “collateral damage” sa tunay na isyu.

“Mabalik lang doon sa mga opisyales ng Narra kung ano lang ang isyu at ‘wag na kaming madawit. Kung ang usapin ay between the executive and legislative, doon lang po mabalik at ‘wag na s’yang mapunta o ma-spin sa ibang bagay o ibang anggulo na wala naman po kaming kinalaman kung ano man po ang nangyayari sa LGU Narra po ngayon,” apela ng CMDC sa pamamagitan ng tagapagsalita nito.

Exit mobile version