EL NIDO, PALAWAN – Nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang isinasagawang demolisyon sa natitira pang mga business establishment sa tabing baybayin ng El Nido, Palawan na nakitaan ng paglabag sa Water Code of the Philippines.
Sa loob ng dalawang linggong demolisyon na nagsimula noong ika-18 ng Hunyo, umaabot pa lamang sa 12 istruktura ang nababaklas ng demolition team. Matatandaan na 32 establisyemento ang nakitaan ng paglabag sa three-meter-easement zone.
Subalit ayon kay Provincial Environment and Natural Resources Officer (PENRO) Felizardo Cayatoc ng Department of Environment and Natural Resources (DENR)-Palawan, ilan sa mga ito ay tumupad na sa iniutos ng awtoridad na kusang baklasin ang mga nakitaan ng paglabag.
Sa 304 establishments na nasa timberland na nahaharap sa demolisyon, 79 dito ang nakatanggap na ng “Notice to Vacate.” Ilan din sa mga ito na nasimulan na ang kusang pagsira sa mga naka-ukopa sa baybayin.
Ilan sa mga may-ari ng establisyemento ang minabuti nang hindi sumunod sa natanggap na paabiso at ipaubaya na lamang sa mga awtoridad ang demolisyon.
Positibo naman ang LGU na siyang nagpatupad ng demolisyon na magiging maayos na ang sitwasyon sakaling matapos ang operasyon.
Sa panayam kay Municipal Mayor Nieves Rosento, sinabi niyang, nanindigan lamang ang kaniyang pamahalaan sa pagpapatupad ng batas.
Ayon naman sa demolition team na nakaugnayan ng Palawan Daily News, hindi biglaan ang kanilang operation-giba sa mga establisyemento dahil isinasabay nila sa oras na hindi madidistorbo ang mga turista. (AJA/PDN)