Ginang, nahulihan ng shabu, granada sa El Nido

Ang suspek na si Maria Theresa Bebiano Dandal alyas Marites Dandal, 46. Kuhang larawan nang siya ay inaresto ng mga otoridad. (Photo courtesy of El Nido Municipal Police Station / PCI Thirz Starky Timbancaya)

Arestado ang isang ginang matapos mahulihan ng pinaghihinalang shabu at granada sa bayan ng El Nido bandang alas-4:22 ng kaninang madaling araw, ika-17 ng Disyembre 17, 2018.

Nakilala ang suspek na si Maria Theresa Bebiano Dandal alyas Marites Dandal, 46, may asawa at nakatira sa Sitio Calentang, Barangay Bucana, El Nido, Palawan.

Batay sa spot report, sa bisa ng isang search warrant, sinalakay ang bahay ng suspek ng pinagsanib na puwersa ng Palawan Police Office Drug Enforment Unit na pinamumunuan ni Police Chief Inspector Romerico Remo at El Nido Municipal Police Station sa pangungunaman naman ni Police Chief Inspector Thirz Starky Timbancaya.

Nakuha sa suspek ang isang kulay asul na coin purse na may lamang siyam na piraso ng pinaghihinalaang shabu, dalawang rolyo ng aluminum foil, isang kulay brown pouch na may lamang hand grenade at isang kulay pulang pouch na may lamang green lighter, rolled tissue, rolled aluminum foil at labingwalong piraso ng suspected shabu.

Ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay dadalhin sa Palawan Crime Laboratory office habang ang nakumpiskang granada ay dadalhin sa Palawan Explosive Ordinance division para sa gagawing mga pagsusuri.

Samantala, ang suspek na si Dandal ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at paglabag sa Republic Act 9516 o Illegal Possession of Explosives.

Exit mobile version