Inuman, nauwi sa saksakan; 59-anyos na lalaki, patay

CUYO, Palawan – Nauwi sa kamatayan ang sana’y kasiyahan dito sa Barangay Tenga-tenga pasado 8:00 p.m. noong Agosto 4.

Dead on arrival sa Cuyo District Hospital si Roberto Cacacha Cacal, may asawa, matapos saksakin ng binatang si Mark Jayson Lagutan Gacita, 24 anyos, na parehong residente ng biktima sa Barangay Catadman.

Base sa report ng Cuyo Municipal Police Station, kasama ng biktima ang mga kaibigan nito ng magpaalam na pupunta ito sa palikuran na siya naman pagdating ng suspek kasama ang mga kaibigan din nito at kinuha ang upuan ng biktima at dinala sa kabilang lamesa.

Pagbalik ng biktima galing sa comfort room ay wala na ang kanyang upuan na kanya naman binawi sa suspek dahilan upang magkagulo ang mga ito sa loob ng painuman na humantong sa pananaksak.

Nagtamo ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Cacal sanhi ng agarang kamatayan nito. Samantala, agad naaresto ang suspek na ngayon ay nasa piitan ng Cuyo Police.

Exit mobile version