Bagaman nagtamo ng malalim na mga sugat sa kaliwang hita at magkabilang kamay ay himalang nakaligtas ang 26 anyos na biktimang si Jomarie Diaz matapos itong atakihin ng isang humigit anim na talampakang buwaya mag-aalas onse nitong umaga, Oktubre 21, sa Purok Radu, Barangay Poblacion 6, Balabac, Palawan.
Ayon sa personal na interview ng Palawan Daily sa biktima, kasama umano nitong nagunguha ng kamaron ang apat na taong gulang na pamangkin sa ilog sa Purok Radu kaninang umaga nang bigla itong nagulat dahil tumakbo umano ang pamangkin sakanya.
Nang lumingon ito sa pamangkin ay hindi niya namalayang bigla na lamang sumulpot ang isang buwaya at agad na kinagat ang kanyang kaliwang hita.
“Nagulat ako kasi nilingon ko ‘yung pamangkin ko tapos bigla nalang may kumagat sa hita ko,” ani Diaz.
Inisip umano ni Diaz na siya ay tatangayin na nito sa malalim na parte ng ilog sa higpit ng kagat nito sa kanyang hita, kung kaya’t gamit ang mga kamay, ay kanyang pinilit ibuka ako bunganga ng buwaya at ito ay nakipag-bunuan rito.
Nang kanyang maswerteng maibuka ang bunganga ng buwaya ay kusang loob rin umano itong lumangoy papalayo sakanya.
Sumaklolo rin umano ang isang kapitbahay nito na saktong nasa unahang bahagi ng ilog at madalian siyang dinala nito sa lokal na RHU upang marapatan ng pangunahing lunas.
Sa ngayon ay nagpapa-galing na ang biktima sa sariling tahanan nito.
Ayon sa mga kapamilya ng biktima, ito na ang pangatlong insidente nang pag-atake ng buwaya sa kanilang lugar.