Narra Sangguniang Bayan, tinutulan ang pagiging municipal administrator ni Santos

Isang resolusyon ang ipinasa ng Sangguniang Bayan ng Narra kahapon, ika-13 ng Abril, upang harangin ang pagiging Municipal Administrator ni Dionyseus Santos, na matatandaang inappoint ni Narra Mayor Gerandy Danao sa nabanggit na posisyon nitong ika-1 ng Abril, taong kasalukuyan.

Sa kopya ng resolusyon na nakalap ng news team, mababasang dine-deny ng mga miyembro ng mambabatas ng Narra ang kasunduan sa pagkaka-appoint ni Santos bilang Municipal Administrator.

“A resolution denying the concurrence of the appointment of Mr. Dionyseus Santos as Municipal Administrator in the Municipal Government of Narra, Province of Palawan,”

Ayon pa din sa resolusyon, ang sinomang kumakandidato sa posisyon bilang Municipal Administrator ay nangangailangan ng endorso at pag-apruba ng lahat ng miyembro ng Sangguniang Bayan ng isang munisipyo gayundin sa isang siyudad.

Mababasa din sa resolusyon na ang ginawang pag-appoint ni Mayor Danao ay lingid sa kaalaman ng mga miyembro ng Sanggunian sapagkat si Santos ay inappoint noong ika-1 ng Abril subalit natanggap ng opisina ng SB ang kopya ng appointment limang araw matapos siyang italaga ng mayor sa posisyong nabanggit.

Nang matanggap ng opisina ng Sanggunian ang mga dokumento ukol dito, agad nila itong inendorso sa Committee on Reorganization, Civil Service, gayundin sa Human Resource Development na siya namang nag-deny sa posisyong inaaplayan ni Santos sa rason na hindi umano nakamit ni Santos ang mga requirements na kinakailangan sa naturang posisyon mula sa Civil Service, gayundin umano ang hindi akma nitong “work experience,” at ang umanoý kuwestiyonableng “moral ascendancy,”ni Santos dahil sa pagsawalang-bahala niya sa tinatawag na “due process”sa imbestigasyong ginagawa nito sa isyu ng facemasks sa naturang bayan.

“That Section 480 of RA 7160 requires “good moral character” for the appointment of an Administrator, in which, due to recent incident involving his investigation of face mask; where he disregarded due process and diplayed inappropriate behavior to some employees is an evident of bad faith. Thus now put his moral ascendancy in question,”

Samantala, ayon naman sa panayam ng Palawan Daily News kay Narra Vice Mayor Crispin Lumba, ang resolusyon ay nangangahulugang nagkasundo ang mga miyembro ng SB na tutolan ang pagtalaga ni Mayor Danao kay Santos bilang Municipal Administrator.

“Sa posisyon kasi ng Municipal Adminstrator at sa mga Department Heads, kailangan ng concurrence ng Sangguniang Bayan. So kung hindi concurred na SB, hindi maging legal ang posisyon mo,” ani ni Lumba.

Ang resolusyon ay pirmado ng labing-isa sa labing-dalawang miyembro ng Sangguniang Bayan.

Samantala, ayon naman kay Santos, sa panayaman ng Palawan Daily News ngayong Martes, sinabi nito na ang kampo niya ay maghahain ng “appeal” sa Civil Service.

“Pag binasa mo ýan sa Civil Service rule, may 15 days to appeal pa ýan, ang ground ng pag-deny nila ay number one ay ýung pag-iimbestiga ko kay Vice, at ýung isa wala akong work sa three years managerial experience, kasi noong pag-submit ýan kahapon, kino-comply ko palang ýun,” ani ni Santos.

“Kasi four years managerial experience matagal ýun, ang justification ay ýung performance rating diba? Hinahanap ko pa so hindi ko na-isubmit, kaya lang inapura nila ýung pag-desisyon eh wala akong magawa doon. Desisyon nila ýun eh, para bang ang dali. So subject to appeal,” dagdag niya.

Nang tanungin ng Palawan Daily News si Santos kung ano ang trabaho nito bago pa man mapasok sa lokal na pamahalaan ng Narra, sinabi nito na siya ay matagal na nag-serbisyo sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) bilang Deputy Warden sa bayan ng Taytay, Palawan.

“Ako po ay matagal naging Deputy Warden diyan sa Taytay apat na taon, kung managerial position ang hinahanap nila, supervisory ha. Ang kailangan ko lang documentary na clear na certification bibigyan ako ng BJMP para magkaroon noon. Three years lang experience ang sinasabi, mayroon akong apat na taon na managerial sa Taytay pa lang,” ani ni Santos.

Inilahad din nito sa Palawan Daily News na siya ay nagsilbing Regional Investigator ng tatlong taon sa ilalim din ng BJMP. Sa kabuoan, nag-silbi si Santos sa BJMP ng dalawampu’t-tatlong taon, ayon sakanya.

“Naging Regional Investigator po ako tatlong taon ng MIMAROPA.  BJMP MIMAROPA. Tapos marami pa akong Deputy Warden, sa Roxas Street Jail, Pulilan sa Bulacan. Hindi lang sila makapag-hintay. Parang pinalabas nila na na-offend sila doon sa pagiimbestiga ko. Eh may basis naman kasi may memorandum order ako to investigate coming from the mayor,” giit ni Santos.

Exit mobile version