Palawan Police, naka-alerto laban sa Abu Sayyaf

Pinahigpit ng mga kawani ng pulisya ang pagbabantay sa buong lalawigan dahil sa banta ng teroristang Abu Sayyaf Group na di umano’y planong pasukin ang Palawan.

Ayon kay Palawan Provincial Police Office (PPO) spokesperson Police Inspector Ric Ramos, hindi pinayagan ang lahat ng pulis na lumiban sa kanilang trabaho mula pa noong araw ng Sabado matapos na ilabas ang “heightened alert” status dahil sa banta.

“Lahat po ay naka-duty ngayon. Wala pong naka-leave at day off, maliban na lang yung mga pulis na nasa schooling, lahat ay naka posting sa kani-kanilang designated area upang siguruhin ang kaligtasan ng mga sibilyan sa bawat munisipyo,” pahayag ni Ramos.

Matatandaang naipahayag ni Atty. Teodoro Jose Matta, chairman ng Palawan Provincial Peace and Order committee, ang tungkol sa pagpasok ng Abu Sayyaf Group sa lalawigan kung saan pangunahing layon nito ang kidnap-for-ransom na minsan na nitong ginawa sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa noong 2001.

Samantala, nanawagan ang pulisya sa mga mamamayang Palaweño na maging mapagmatyag para sa sariling kaligtasan at kaligtasan ng buong lalawigan.

Exit mobile version