PNP, inaksyunan na umano ang napabalitang patibong ng mga masasamang-loob sa El Nido

Matapos na kumalat sa social media ang paalaala ng isang netizen sa El Nido na mag-ingat kapag may nakitang umiilaw na selpon sa gitna ng daan dahil posible itong patibong ng mga nasasamang-loob, siniguro ng Palawan Police Provincial Office (PPO) na gumawa na ng hakbang ang kanilang hanay ukol dito.

Ayon sa tagapagsalita ng Provincial Command na si  PLtCol. June Rhian, kumilos na ang Provincial PNP at maging ang El Nido Municipal Police Station (MPS) sa insidente.

“For info, napaabisuhan na rin po [ang] lahat ng barangay official [ng El Nido] na maging mapagmatiyag po sila sa kanilang barangay,” dagdag pa ni PLtCol. Rian.

Sa post ni John Paul Marbella Serran noong Jan. 30, 2021, mahigpit niyang pinaalalahanan ang kanyang mga kababayan na mag-ingat kapag nakadaan sa paakyat na bahagi ng Bayview Resort sa Brgy. Corong-corong.

“Be Aware Everyone!! Sa mga nagbabiyahe ng gabi or madaling-araw dito sa Bayan ng El Nido, ‘pag may nakita kayong smartphone or CP sa gitna ng kalsada sa liblib na lugar, umiilaw man o hindi, don’t stop to get it!!  It happened to me last night when I was on my way to work, may nadaanan akong CP na umiilaw. No’ng hihinto na ako, nahagip ng headlight ko na may dalawang lalaki na nagtatago sa gilid!” ani Serran.

Sinegundahan naman si Serran ng isang nag-comment na si Jasper Taba.

“Do’n ‘yan sa unahan ng Bubulungan madalas mangyari. Minsan nga may bag pa eh! Tapos wallet na makapal. ‘Wag n’yo hihintuan lalo na pag walang masyadong tao at gabi na,” aniya.

“Kung kumalat man itong balita na ‘to siguradong aware na din ‘yong mga gumagawa ng kalokohan. Pwede silang lumipat ng lugar kapag alam nilang may mga nakaaalam na ng pwesto nila! Gano’n talaga, sa hirap ng buhay ngayon at walang matinong trabaho, marami ng gumagawa ng kalokohan. [Kaya] be aware and safe everyone!” dagdag pa ni Jasper Taba.

Ang nag-post namang si Serran ay nakatakdang kunan ng salaysay para makatulong sa imbestigasyon.

“Kukunan na rin ng salaysay si Serran ng PNP para makatulong sa isinasagawang imbestigasyon.” ayon pa sa Spokesperson ng PPO.

Exit mobile version