PUERTO PRINCESA CITY – Magkatuwang ang ahensya ng Department of Labor and Employment (DOLE) at tanggapan ni Congressman Gil “Kabarangay’’ P. Acosta sa pagpapatupad ng dalawang programang pangkabuhayan para sa mga kabarangay nating tinamaan ng trahedya at sakuna: ang Tulong Panghanap-buhay para sa ating mga Displaced or Disadvantaged Workers (TUPAD) at Government Internship Program (GIP).
Ang naturang mga programa ay naglalayong mabigyan ng trabaho ang ating mga kabarangay na nangangailangan ng mapagkakakitaan upang makatulong sakanilang pang araw-araw na gastusin at paghahanap-buhay para sa kanilang pamilya.
Ang programang TUPAD ay inilaan para sa pagkakaroon ng agarang trabaho o emergency employment ng mga kabarangay nating biktima ng kalamidad tulad ng bagyo, sunog at landslide na naging sanhi ng kawalan ng kanilang hanapbuhay. Maaring maging benepisyaryo nito ang mga kabarangay nating may edad 18 hanggang 60 taong gulang, may natapos man o wala sa pag aaral.
Sa loob ng 30 araw ay makakapagtrabaho ang mga benepisyaryo ng nasabing programa sa kanilang komunidad at ang trabahong kanilang tututukan ay ang “community service”.Magsisilbing temporary wage employment naman ang sweldong kanilang matatanggap habang naghahanap sila ng permanenteng trabaho.
Sa katunayan, mahigit 413 na mga Kabarangay ang mabibigyan ng pagkakataong makapagtrabaho sa ilalim ng programang ito sa iba’t ibang tanggapan ng ating lokal na pamahalaan. Ang 174 sa kanila ay nakapagserbisyo na para sa unang batch ng TUPAD, at sa darating na buwan ng Agosto inaasahan namang magsisimulang sumabak ang 239 para sa pangalawang batch.
Samantala, ang GIP naman ay isang paraan ng ating gobyerno upang mabigyan ng pagkakataon ang ating mga kabarangay na nakapagtapos ng sekundarya o kolehiyo at wala pang karanasan sa paglilingkod sa gobyerno na kung saan ay magamit nila ang kanilang talino para sa serbisyo publiko.
Kaugnay nito, 36 na mga kabarangay natin ang magsisimula nang magtrabaho sa ilalim ng GIP ngayong buwan ng Hulyo. Sila ay itatalaga sa iba’t ibang tanggapan ng ating lokal na pamahalaan at magseserbisyo sa loob ng limang buwan.